Stags, Red Lions lider na

MANILA, Philippines - Sa gitna ng panganib, ang kanilang eksperyensa ang sinandalan ng mga Golden Stags.

Bumangon mula sa isang eight-point deficit sa kaagahan ng fourth quarter, giniba ng nagdedepensang San Sebastian College-Recoletos ang University of Perpetual Help-System Dalta, 73-69, sa Season 86 ng NCAA men’s basketball tournament kahapon sa The Arena sa San Juan City.

Tinalo naman ng three-peat titlists San Beda College ang Emilio Aguinaldo College, 97-55, sa ikalawang laro.

Pinagsaluhan ng Gol­den Stags at Red Lions ang liderato mula sa kanilang magkatulad na 2-0 kartada, habang may 0-2 baraha naman ang Altas at Generals.

Isang three-point shot ni George Allen ang nagbigay sa Perpetual ng 61-53 bentahe sa 8:49 ng final canto kasunod ang 7-0 atake ng San Sebastian mula kina Calvin Abueva at Ronald Del Rio para makadikit sa 60-61 sa 7:21 nito.

 Huling nakuha ng Altas ang lamang sa 63-60 galing sa basket ni Mark Sumera sa 6:29 ng laro tungo sa 67-63 bentahe ng Golden Stags sa huling 3:46.

Show comments