MANILA, Philippines - Hindi man isang ‘scoring import’ ang kanilang nakuha, kuntento na rin si coach Jong Uichico. Lalo pa at nasikwat nila ang ikatlo at huling outright quarterfinals berth.
Humakot si Chris Daniels ng 19 points, 19 rebounds, 6 assists, 3 steals at 2 shotblocks para sa 115-88 paglampaso ng Barangay Ginebra sa Rain or Shine sa 2009-2010 PBA Fiesta Conference kahapon sa napunong Ninoy Aquino Stadium.
Ang panalo ang nagtakda sa laban ng Gin Kings at Alaska Aces sa best-of-five quarterfinals series, habang makakatapat naman ng Elasto Painters sa knockout wildcard phase ang Air21 Express.
“It’s really hard to find a perfect import,” ani Uichico kay Daniels, ang kanilang ikaapat na reinforcement matapos sina Awvee Storey, Ambres Mildon at Denham Brown.
Matapos kunin ang first period, 31-27, pinalobo ng Ginebra, nagmula sa isang three-game losing skid, sa 46-32 ang kanilang lamang sa Rain or Shine, nanggaling sa isang two-game winning run, sa 7:23 ng second quarter galing sa layup ni Jayjay Helterbrand.
Buhat rito, ipinoste ng Gin Kings ang isang 27-point lead, 80-53, sa 7:44 ng third canto mula sa three-point shot ni Ronald Tubid na lumaki pa sa 32-point advantage, 111-79, sa huling 2:02 ng fourth period galing sa tres ni Mike Cortez.
“It’s been a while since we’ve played this way,” gulat na wika ni Uichico, nakahugot ng 17 marka kay Helterbrand, 14 kay Tubid, tig-13 kina Mark Caguioa at Willie Miller at 12 kay JC Intal.
Pinangunahan naman ni Sol Mercado ang Elasto Painters sa kanyang kinolektang 24 points, 5 boards, 5 assists at 1 steal kasunod ang 17 marka ni dating Ginebra import Rod Nealy at 14 ni Jeff Chan.
Kasalukuyan pang naglalaro ang nagdedepensang San Miguel at Derby Ace habang isinusulat ito kung saan ang mananalo ang magbubulsa sa ikalawa at huling automatic semifinals seat at ang matatalo ang maglalaro sa quarterfinals.
Ang Talk ‘N Text ang unang koponang umangkin sa outright semis ticket.