NU, Perpetual sasabak na rin sa Shakey's V-League
MANILA, Philippines - Makikilatis ang husay ng National University at University of Perpetual Help System Dalta kung ang volleyball program ang pag-uusapan sa pagsisimula ng Shakey’s V-League Season 7 second conference sa Hulyo 11 sa The Arena sa San Juan City.
Mataas ang ekspektasyon sa dalawang bagong paaralan dahil sila ang napili ng Sports Vision Inc. dala ng paniniwalang makakasabay sila sa anim na regular na koponan na magtatagisan sa titulong iniwanan na ng UST.
Nagpasya uli ang UST na mag-leave of absences matapos sungkitin ang ikatlong sunod na titulo sa nagdaang conference. Ito ang ikaanim na titulo ng Lady Tigresses sa ligang handog ng Shakey’s at napilitan silang pansamantalang lumiban upang mabigyan ng pagkakataon ang kanilang student-athletes na makapag-aral.
Ang NU na naglalaro sa UAAP ay may puwersa agad dahil nasa kanilang panig na si Dindin Santiago na huling naglaro sa UST.
Kinuha rin ng koponan ang serbisyon ni Jaja Santiago bilang isa sa kanilang guest player.
Ang Perpetual naman ay hindi pa nagbibigay ng kanilang listahan ng manlalaro ngunit tiyak na palaban din ito upang hindi mapahiya sa kanilang unang salang sa torneo.
Ang San Sebastian, Ateneo, Adamson, FEU, St. Benilde at Lyceum ang kukumpleto sa talaan ng mga kalahok.
- Latest
- Trending