Julaton nanalo kay Villalobos, kampeon uli sa WBO
MANILA, Philippines - Nanumbalik ang pagiging world champion ni Fil-American Ana Julaton nang kunin ang split decision panalo laban kay Maria Elena Villalobos ng Mexico para mapasakamay ang WBO female super bantamweight title na pinaglabanan nitong Huwebes sa Casino Rama sa Ontario Canada.
Binigyan man ng matinding hamon ni Villalobos na kinakitaan ng pagkonekta nito ng mga malalakas na suntok dahilan upang magkapasa ang kaliwang mata ni Julaton ay angat naman ang husay ng 29-anyos na boksingera para makuha ang dalawa sa tatlong hurado na nagbigay ng puntos sa laban.
Sina Harry Davis at Kelly Zolnierczyk ay umiskor ng parehong 96-94 pabor kay Julaton para pawiin ang 97-94 na iskor para kay Villalobos mula kay Bob Bell.
Ito ang ikapitong panalo sa 10 laban ni Julaton na nakabangon na rin buhat sa unanimous decision na kabiguan sa kamay ni Lisa Brown para sa WBA title na pinaglabanan nitong Marso 27 sa nasabi ring venue.
“Thank you to everyone,” wika ni Julaton matapos tauhin ang kanilang laban.
Pinuri din niya ang ipinakita ni Villalobos pero kinaya niya ang hamon dala na rin ng magandang pagsasanay na ginawa ni Freddie Roach. Si Roach ay ibinalik ni Julaton matapos lasapin ang huling kabiguan sa pagsasanay ni Nonito Donaire Sr.
“Ana looked good but we’re about half way there,” wika ni Roach. “We’ll keep at it and Ana will get even better.”
Ikaapat na kabiguan sa 10 laban ang tinamo ni Vilallobos na nagnanais na magkaroon ng rematch kay Julaton.
Sa pagkapanalo ni Julaton, nabawi niya ang titulong hawak nang talunin si Donna Biggers noong Disyembre 4, 2009. Kinailangan niyang bitiwan ang titulo matapos tanggapin ang laban kay Brown.
- Latest
- Trending