MANILA, Philippines - Hindi napanatili ni Francis Casey Alcantara ang matibay na paglalaro na nakita sa first round upang mamaalam na siya sa 2010 Wimbledon Juniors Championship na ginagawa sa The All England Lawn Tennis and Croquet Club sa London.
Tila naubos na ang lakas ng 18-anyos na si Alcantara sa huling dalawang set upang masayang ang magandang inilaro sa first set para lasapin ang 6-4, 1-6, 4-6, pagkatalo kay Facundo Arguello ng Argentina.
Bago ang labang ito ay nasalang ang 57th ranked Filipino netter sa matinding laban kontra kay French qualifier Gregoire Barrere na kanyang tinalo sa 6-1 ,1-6, 11-9 iskor.
Dumaan din sa mahirap na 6-2, 0-6, 6-3 panalo ang 97th ranked na si Arguello laban sa 15th seed Robert Quiroz ng Ecuador pero mas sariwa pa siyang lumaban upang maikasa ang pagharap niya kay Filip Horansky ng Slovakia para sa puwesto sa round of 16.
Tinalo ni Horansky si Mikelis Libietis ng Latvia, 6-7 (5), 6-1, 6-3, para malampasan ang round of 32.
Sa doubles na lamang kakampanya si Alcantara at makikipagtulungan uli kay Oliver Golding ng Great Britain na makikipagtuos laban sa third seeds na sina Raymond Sarmiento at Dennis Kudla ng US sa unang asignatura.
Si Sarmiento na ang mga magulang ay Filipino at nakipagtambal kay Alcantara nang dominahin nila ang Mitsubishi Lancer International Tennis Championship, ay pupukpok din upang makabawi siya matapos mapatalsik sa singles sa kamay ni eight seeds James Duckworth ng Australia, 3-6, 5-7.
Si Jeson Patrombon, na top Filipino junior netter sa kanyang 39th ranking ay makikipagtulungan naman kay Ahmed Triki ng Tunisia sa pagbangga sa second seeds Damir Dzumhur ng Bosnia at Herzegovina at Mate Pavic ng Croatia.