Pacquiao-Mayweather fight matutuloy, ayon kay Arum

MANILA, Philippines - Habang dumadaan ang mga araw ay kumpiyansa pa rin si Bob Arum na maita­takda niya ang banggaang Manny Pacquiao at Floyd Mayweather, Jr. sa Nobyembre 13.

Sa panayam ng Fanhouse.com, sinabi ng chair­man ng Top Rank Pro­motions na gusto rin ni Pacquiao na matuloy ang kanilang salpukan ni Mayweather.

“I think that one way or another, we’re approa­ching the time of resolution. One way or another,” wika ni Arum. “I’m still very optimistic, and, you know, Manny and I want this fight to happen.”

Nag-isyu ng ‘gag order’ si Golden Boy Promotions Chief Executive Officer (CEO) Richard Schaefer ma­tapos ibun­yag ni GBP president Oscar Dela Hoya na nasa ‘final stages’ na ang kanilang negosasyon ng Top Rank para sa Pacquiao-Mayweather megafight.

At hanggang ngayon ay wala pang inilalabas na detalye ang Top Rank at GBP kaugnay sa fight contract na inilalatag kina Pacquiao at Mayweather.

Inamin naman ng 78-an­yos na si Arum na hindi pa nagkakasundo ang 31-anyos na si Pacquiao at ang 33-anyos na si Mayweather sa kanilang purse split.

“But as I’ve said before, it takes two to tango. And, though this is not going to go out to much longer, this is going to be resolved in the near term. Whether it’s a week or two weeks, but it will be resolved one way or the other,” sbai ni Arum.

Nauna na ring inihayag ni trainer Freddie Roach na agad nilang sisimulan ni Pacquiao ang kanilang pag-eensayo sa sandaling maplantsa ang usapan sa kanila ni Mayweather.

Samantala, gagabayan ni Roach si Fil-Am Ana “The Hurricane” Julaton sa pagharap nito kay Maria Villa­lobos ngayon para sa bakanteng World Boxing Organization (WBO) light featherweight title sa Ontario, Canada.

Dalawang korona ang inangkin ni Julaton, may 6-2-1 win-loss-draw ring record, noong 2009 matapos talunin sina Kelsey Jeffries at Donna Biggers para sa International Boxing Association (IBA ) at WBO light featherweight titles, ayon sa pagkakasunod.

Mula kay Filipino trainer Nonito Donaire, Sr., lumipat si Julaton sa kampo ni Roach.

Nanggaling si Julaton sa pagkatalo kay Canadian Lisa Brown bago labanan si Villalobos(6-3).

Show comments