MANILA, Philippines - Apat na Tropang Texters ang bumabandera sa karera para sa Best player of the Conference award ng 2009-2010 PBA Fiesta Conference.
Ang mga ito ay sina Ranidel De Ocampo, Kelly Williams, Mac Cardona at Jimmy Alapag ng Talk ‘N Text, samantalang nasa Top 10 sina James Yap ng Derby Ace, Gary David ng Coca-Cola, Jay Washington ng San Miguel, Gabe Norwood ng Rain or Shine, Arwind Santos ng San Miguel at LA Tenorio ng Alaska.
Nagposte si De Ocampo ng 32. 0 statistical points average mula sa kanyang 16.0 points, 6.5 rebounds, 2.3 assists, 0.5 steals at 0.2 shotblocks sa 18 laro para sa Tropang Texters na umangkin sa una sa dalawang outright semifinals berth.
Nasa ilalim ng 6-foot-6 na si De Ocampo sina Williams (29.3), Cardona (29.1), Alapag (28.8), Yap (28.7), David (28.1), Washington (27.7), Norwood (27.1), Santos (26.6) at Tenorio (26.44).
Nakatakdang paglabanan ng nagdedepensang San Miguel at Derby Ace ang ikalawa at huling automatic semis ticket sa Biyernes sa ganap na alas-7:30 ng gabi sa Ninoy Aquino Stadium.
Sa unang laro sa alas-5 ng hapon naman pag-aagawan ng Barangay Ginebra at Rain or Shine ang pangatlo at huling outright quarterfinals seat.
Ang matatalo sa pagitan ng Beermen at Llamados ang mahuhulog sa quarterfinals, samantalang ang matatalo sa laro ng Gin Kings at Elasto Painters ang malalaglag sa wildcard.
Ipaparada ng Ginebra si 6’6 Cris Daniels bilang kapalit ni Denham Brown, ang humalili kay Mildon Ambres na pumalit naman kay Awvee Storey.
Samantala, bilang pagbibigay daan sa inagurasyon ni President elect Nonoy Aquino, walang PBA games ang idaraos ngayong gabi.