MANILA, Philippines - Isang ‘gag order’ ang ipinatutupad ngayon ng Derby Ace kaugnay sa kontrobersyal na paghihiwalay nina off-guard James Yap at aktres na si Kris Aquino.
Ibinunyag ng isang source na ang sinumang miyembro ng Llamados mula sa officials, coaches, players hanggang ballboys na magbibigay ng kanilang pahayag ukol sa hiwalayang James Yap at Kris Aquino ay mahaharap sa suspensyon.
Samantala, matapos palutangin ang trade sa pagitan nina Wesley Gonzales at Nelbert Omolon ng Sta. Lucia, pinaiingay naman ng Air21 ang paghugot kay Leo Najorda mula sa Barako Coffee.
Umaasa ang Express na tuluyan na nilang mapaplantsa ang naturang trade upang mapalakas ang kanilang kampanya sa wildcard phase ng 2009-2010 PBA Fiesta Conference.
Ang Coffee Masters ang unang koponang nasibak sa naturang torneo na idinedepensa ng San Miguel Beermen.
Ang 6-foot-4 na si Najorda na lamang ang natitirang pambato ng Barako Coffee matapos dalhin sa iba’t ibang koponan sina Rico Villanueva, Cyrus Baguio, Junthy Valenzuela, Mick Pennisi, Lordy Tugade at Larry Fonacier.
Nagposte ang dating San Sebastian Stag ng mga averages na 11.4 points, 3.0 rebounds at 1.4 assists sa nakaraang kampanya ng Photokina franchise sa Fiesta Conference.
Hindi pa rin maliwanag sa mga Coffee Masters kung maglalaro pa sila sa 35th PBA season dahilan sa bulung-bulungan na isa ang Barako Coffee sa dalawang PBA teams na gustong bilhin ni PLDT boss Manny V. Pangilinan ng Talk ‘N Text.
Ipapasok ni Pangilinan ang prangkisa ng Meralco, dati nang miyembro ng MICAA na ngayon ay kilala bilang PBA.
Sasagupain ng Express ni coach Yeng Guiao sa wildcard ang matatalo sa playoff game sa pagitan ng Ginebra Gin Kings at Rain or Shine Elasto Painters sa Biyernes sa Ninoy Aquino Stadium.
Maglalaban rin sa wildcard ang Coca-Cola laban sa Sta. Lucia Realty kung saan ang mga mananalo ay muling magtatagpo sa isang knockout match para sa ikaapat at huling outright quarterfinal ticket.