Baseball All Star Game itinakda sa July 4
MANILA, Philippines - Masasagot ang katanungan kung ang kasalukuyang national team sa baseball ang pinakamagaling na manlalaro ng bansa sa idaraos na Baseball Philippines All Star Game.
Ang laro ay itinakda sa Hulyo 4 sa Alabang Country Club baseball field at ito ang kontribusyon ng Community Sports Inc. sa paggunita ng Fil-American Friendship Day.
Mismong si US Ambassador Harry K. Thomas Jr. ang siyang inimbitahan upang dumalo sa laro at siyang magsagawa ng ceremonial pitch sa ganap na alas-8:30 ng umaga.
Matapos ito ay magtatagisan ang dalawang koponan na binubuo ng mga kasalukuhang pambato sa baseball laban sa mga potensiyal na maging national players.
Ang Team I ay hahawakan nina Batangas at Cebu Team Managers na sina Randy Dizer at Isaac Bacarisas at pamumunuan ng mga national pitchers na sina Ernesto Binarao, Joseph Orillana, Charlie Labrador at Darwin Dela Calzada.
Makakasama nila sina Andro Cuyugan, Virgilio Roxas, Fernando Recto, Rizel Santos, Edmer Del Socorro, Jonash Ponce, Fulgencio Rances, Francis Canlas, Rommel Roja, Nino Tator at Chris Canlas na pawang mga ikinokonsidera para lumaban sa Asian Games sa Guangzhou, China sa Nobyembre.
Sina Manila at Alabang team manager Jhoel Palanog at Jimmy Paningasan ang magtutulong para sa Team II na pamumunuan ng mga UAAP standout pitchers Romeo Jasmine, Vladimir Eguia at Justin Payongayong.
Isinama rin sa koponan ang dating national team player at Czech Republic baseball league veteran Jon Jon Robles bukod pa kina Emil Dimatulac, Alen Dizon, Ronald Bocalan, Kelly Culubong, Matt Laurel, Miggy Corcuerra, Bambon Servo, Song Chung Wang, Joseph Apura at Jeffrey Ardio.
- Latest
- Trending