Yap 'di apektado sa hiwalayan nila ni Kris, kasosyo ni Mercado sa PBAPC PoW

MANILA, Philippines - Sa kabila ng kanilang pag­hihiwalay ng kanyang asawang si Kris Aquino, nanatili pa ring tututok si James Yap sa pagtulong sa Llamados.

Mula sa kanilang pagtulong sa kani-kanilang koponan, kinilala sina Yap ng B-Meg Derby Ace at Sol Mercado ng Rain or Shine bilang Accel-PBA Press Corps’ Co-Players of the Week para sa linggo ng Hunyo 21 hanggang 27.

Sina Yap at Mercado ang naging sandigan ng Llamados at Elasto Painters para sa kani-kanilang two-game winning streak sa second round ng 2009-2010 PBA Fiesta Confe­rence.

Sa kabila ng kontro­ber­sya, nagtala pa rin si Yap ng mga averages na 19.5 points, 4.0 rebounds at 1.5 assists sa mga panalo ng Derby Ace sa Barangay Gi­nebra at Barako Energy Coffee.

Sapat na ito para makuha ng Llamados ang isang playoff seat sa kanilang agawan ng nagdedepensang San Miguel Beermen sa ikalawa at huling automatic semifinals berth.

“James was outstan­ding,” wika ni head coach Ryan Gregorio sa tubong Escalante, Negros Occi­dental na tumulong sa Der­by Ace sa pagkamal ng anim na sunod na ratsa­da.

Bukod sa kanyang open­sa, pinatibay rin ng dating University of the East Red Warriors ang kanyang depensa.

Nagbida naman si Mercado sa pagsikwat ng Rain or Shine sa isang playoff slot patungo sa kanilang labanan ng Ginebra sa ikatl­o at huling outright quarterfinals ticket.

Nagposte si Mercado ng mga averages na 18.0 points, 5.0 rebs, 2.5 assists at 2.0 steals sa dalawang sunod na panalo ng Elasto Painters.

Show comments