Ginebra ipaparada ang bagong import
MANILA, Philippines - Sa hangaring maangkin ang ikatlo at huling outright quarterfinals seat, ipaparada ng Gin Kings ang baguhang si Eric Chris Daniels sa kanilang playoff game ng Elasto Painters sa Biyernes sa 2009-2010 PBA Fiesta Conference sa Ninoy Aquino Stadium.
Ang 6-foot-6 na si Daniels ang siyang ipapalit ng Barangay Ginebra sa nanamlay na si Denham Brown sa kanilang banggaan ng Rain or Shine.
“Hopefully, he will be the right import for us,” sambit ni Gin Kings’ head coach Jong Uichico kay Daniels, ang ikaapat na reinforcement ng Ginebra matapos sina Awvee Storey, Mildon Ambres at Brown, na naglaro sa Sacramento Kings sa NBA noong 2004-2005 season at sa Lafayetteville Patriots at Erie Bayhawks sa NBDL.
Sa kinuhang dalawang sunod na panalo, tumabla ang RoS sa Gin Kings sa 9-9 upang pag-agawan ang pangatlo at huling outright quarterfinals ticket.
Muling ipaparada ng Rain or Shine ang dating import ng Ginebra na si Rod Nealy, sumalo sa naiwang trabaho ng bigating si Jai Lewis, na naglaro sa tropa ni Uichico noong 2007 at 2009 bago pinauwi matapos ang kanilang 2-5 rekord kapalit ni David Noel.
Ang mga scorers ng Gin Kings ang sinasabi ni Elasto Painters coach Caloy Garcia na kailangan nilang limitahan sa Biyernes.
- Latest
- Trending