MANILA, Philippines - Natuto na ng kanilang leksyon ang mga Cardinals.
Naging mainit mula sa first hanggang fourth quarter, iginupo ng Mapua ang University of Perpetual Help-Dalta System, 79-65, sa 86th NCAA men’s basketball tournament kahapon sa The Arena sa San Juan City.
“We learned our lesson from last year so I kept reminding the boys to play consistent from start to finish,” sabi ni coach Chito Victolero sa kanyang Cardinals, may 1-0 rekord kagaya ng nagdedepensang San Sebastian Stags at San Beda Red Lions.
Sa ikalawang laro, tinalo ng Arellano University ang Emilio Aguinaldo College, 82-72.
Umiskor si Mark Acosta ng 14 points kasunod ang 13 ni Erwin Cornejo, 11 ni Rodel Ranises at 10 ni Jason Pascual para sa Mapua, naging finalist sa nakaraang Fr. Martin Cup.
Halos magsuntukan naman sina Cardinal’s forward Andretti Stevens at Arnold Danganan ng Altas nang magpang-abot sa fourth quarter kung saan lamang ang Mapua sa Perpetual, 58-50.
Matapos ito, napatalsik naman sa laro sina Ray Cabrera ng Cardinals at Narr Garay ng Altas.
Isang 19-6 atake ang ginawa ng Cardinals ni Victolero sa fourth period para tuluyan nang talunin ang Altas.