'Bata' kampeon sa Spanish 9-Ball Open
MANILA, Philippines - Muli na namang nagningning ang pangalan ni Efren “Bata Reyes matapos niyang sungkitin ang kampeonato sa kakatapos lamang na Spanish Open 9-Ball Championship kahapon na idinaos sa Vigo, Spain.
Matapos ipakita ang kanyang klasikong porma, ginapi ni Reyes si Niels “The Terminator” Feijen ng Netherlands, 11-8 sa final round upang iuwi ang tropeo at cash prize na aabot sa US$8, 000.
Ayon kay sportsman Aristeo “Putch” Puyat, muli na namang pinahanga ng 55-year old cue artist ang mga OFW na nasa Spain sa kanyang mga nakakamanghang mga tira.
Bago makipagtuos kay Feijen, ang number 1 player ng Europa para sa titulo, tinalo muna ni Reyes sa quarterfinal round ang defending World Pool Champion (WPA 9-ball) na si Daryl Peach ng Great Britan sa iskor na 9-6 at kanyang ginapi ang kapwa Pinoy na si Francsico “Django” Bustamante sa semifinal round sa iskor na 9-7.
Pinayuko rin ng tubong Angeles, Pampanga ang mga Espanyol na sina Amalia Matas Heredia sa round-of-32 at si Carlos Cabello Ariza sa round-of 16 sa parehas na iskor na 9-3.
Ang naturang kompetisyon na pinagwagian ni Reyes ay nilahukan din nina World 9-ball at World 8-ball champion Ralf Soquet at Oliver Ortmann ng Germany, Oscar at Ernesto Dominguez ng Mexico, Rodney Morris ng America at David Alcaide ng Spain.
Nabigo naman ang tambalan nila Reyes at Bustamante kina Souquet at Alcaide sa final round ng Scotch Double event, 1-5 sa nasabing torneo.
- Latest
- Trending