MANILA, Philippines - Sinandalan ng nagdedepensang San Sebastian ang kanilang championship experience upang daigin ang palaban pero kinapos na Letran, 59-53, sa pagsisimula ng 86th NCAA basketball kahapon sa Araneta Coliseum.
Hindi gaanong pulido ang opensa ng Golden Stags pero noong nangailangan sila ng puntos ay naroroon si Ronald Pascual at nang nanlamig uli sila ay sinandalan naman ang kanilang depensa upang maitakas ang unang panalo sa torneo.
“First game jitters ito para sa kanila. Lahat nagmamadali na umiskor. Pero understandable kasi unang laro ito. Ang maganda ay hindi nawala ang depensa namin,” wika ni Stags coach Renato Agustin.
Si Pascual ay nagtapos taglay ang 15 puntos at siya nga ang nanguna sa mainit na opensa sa ikatlong yugto matapos magbagsak ng 13 puntos.
Dalawang tres ang kanyang ginawa at ang kabuuang puntos sa yugtong nabanggit ay higit sa kabuuan na iniskor ng Knights upang ang 27-30 halftime deficit ay maging 47-40 papasok sa huling yugto.
Lumamya uli ang shooting ng nagdedepensang kampeon sa huling 10 minuto pero si Abueva ang nagbigay ng init sa depensa sa kanyang mga rebounding at shot block.
May 13 puntos, 7 rebounds at 3 blocks nga ang 6’3” forward at umiskor nga ito ng lay-up at sa kabilang dulo ay humablot ng rebound na nagresulta sa lay-up naman ni Pamboy Raymundo para sa 55-51 kalamangan may 2 minuto sa orasan.
Parehong may 24 turnovers ang magkabilang panig pero nakapagdomina ang Stags sa assists, 13-6, at nangibabaw ang pagkaagresibo sa pag-atake sa basket sa nakuhang 14 puntos sa free throws sa 20 buslo laban sa pito lamang sa 12 tangka ng Knights.
Samantala, nilimitahan naman ng San Beda ang Jose Rizal University sa pitong puntos sa ikatlong yugto para makatabla ito sa San Sebastian sa 68-52 panalo sa ikalawang laro.
San Sebastian 59- Pascual 15, Abueva 13, Sangalang 9, Raymundo 8, Bulawan 8, del Rio 4, Maconocido 2, Gorospe 0, Semira 0.
Letran 53- Taplah 11, Belencion 11, Cortes 9, Dysam 8, Espiritu 5, Alas 4, Belorio 2, Almazan 2, Pantin 1, Ang 0.
Quarterscores: 18-14; 27-30; 47-40; 59-53.
SBC 68--Lanete 17, Hermida 15, dela Rosa 9, Marcelo 7, Caram 5, A. Semerad 4, Pascual 4, Mendoza 4, Daniel 3, D. Semerad 0, Lim 0.
JRU 52--Lopez 9, Hayes 9, Etame 8, Almario 6, Njei 6, Matute 6, Montemayor 4, Badua 2, Kabigting 2, Duncil 0.
Quarterscores: 14-6; 32-28; 53-35; 68-52.