MANILA, Philippines - Nagbaga ang mga kamay ni Ricky Ricafuente upang tulungan ang host Treston Laguna sa 82-74 panalo sa Cobra Energy Drink at makapasok sa finals sa 3rd leg ng Tournament of the Philippines na ginaganap sa Trace College Gym sa Los Baños, Laguna nitong Huwebes.
Isinantabi ng Stallions ang mahinang panimula na kung saan napag-iwanan sila ng Ironmen sa first quarter, 16-25, sa pamamagitan ng malakas na paglalaro sa second half para tapusin ang yugto sa 2-1 karta.
Si Ricafuente ang nagsilbing mitsa sa pagkalas ng host team nang ibuhos ang 18 sa nangungunang 21 puntos matapos ang huling pagdikit ng Ironmen sa dalawang puntos, 51-49.
Ang Laguna ang lumabas na unang home team na nakapasok sa finals at ito ang motibasyong gagamitin ni coach Nomar Isla para mapag-init pa ang emosyon ng koponan sa pagharap sa Ascof Lagundi sa finals na idinaos kagabi.
“Wala pang host team na nakapasok sa finals matapos ang tatlong legs kaya ang maging unang home team na maging champion ang motibasyon namin,” wika ni Isla.
Kinumpleto ng Cough Busters ang 3-0 sweep sa bisa ng 77-75 panalo sa Mandaue Cebu sa isang laro.
Inakala ng panatiko ng Land Masters na mapapatikim nila ng unang kabiguan ang Ascof Lagundi nang lumayo sa 73-70 sa huling dalawang minuto ng sagupaan.
Pero nagtambal sina Edwin Asoro at Jonathan Uyloan sa 6-0 bomba bago pinagmasdan ang pagsablay sa mahahalagang buslo ng Mandaue upang maitakas ang panalo.
Ang Mandaue na may 1-2 karta ay makikipaglaban sa walang panalong Cobra (0-3) para sa ikatlong puwesto.
Ascof Lagundi 77--Gamalinda 19, Asoro 9, Leynes 9, Taylor 9, Lanete 8, Co 6, Aguilar 6, Mangahas 4, Smith 4, Uyloan 2, Manuel 1.
Mandaue Cebu 75-- Dennison 14, Latonio 11, Gabas 11, Diputado 8, Gerilla 7, Magdadaro 6, Ursal 5, Caputulan 4, Laygo 3, Berame 2, Gavina 2, Villaver 2, Zanoria 0.
Quarterscores: 24-22; 40-38; 63-54; 77-75.
Treston Laguna 82--Ricafuente 21, Bolocon 14, Losentes 9, Musngi 7, Angeles 6, Sanz 5, Mangahas 5, Mercado 4, Legaspi 4, Aquino 4, Gloriosa 2, Grijaldo 1
Cobra Energy Drink 74--Canizares 22, Llagas 14, Barua 11, Tecson 9, Espiritu 6, Bagatsing 6, Linganay 2, Nabong 2, Afable 2, Acuna 0.
Quarterscores: 16-25; 49-43; 61-56; 82-74.