MANILA, Philippines - Nagtala si reinforcement Shawn Daniels ng double-double performance sa kanyang 14 points at 10 rebounds upang pamunuan ang early PBA semi-finalists Talk N Text sa 75-68 panalo laban sa Dongguan ng China sa 2010 Smart Philippine Invitational Challenge kahapon sa Ninoy Aquino Stadium.
Nagdagdag naman sila locals Ranidel De Ocampo at Mac Cardona ng 13 at 10 points, ayon sa pagkakasunod.
Matapos mapanatiling dikit ng Leopards ang laban hanggang sa simula ng pay-off period, nagposte ng sampung puntos na kalamangan ang bataan ni Chot Reyes, 66-56 may 5:49 pang nananatili sa laban at hindi na muling lumingon pa pabalik sa koponan na minamanduhan ni Australian mentor Brian Goorjian.
Binalikat ni American import Allen Ronald ang Dongguan Leopards sa kanyang 18 points at siyam na rebounds habang may tig-11 sina Li Muhao at Feng Qi.
Ito na ang ikalawang sunod na pagkatalo ng Leopards mula sa local teams ng Pilipinas.
Samantala, maghaharap ngayong sabado ang Smart Gilas at Ginebra Kings sa pambungad na laro habang muling sasalang sa hard court ang Leopards at Jordanian National Team sa main game.
Talk N’ Text 75- Daniels 14, de Ocampo 13, Cardona 10, Carey 8, Dillinger 8, Castro 7, Quinahan 7, Reyes 4, Yee 2, Aban 2, Waters 0, Alapag 0.
Dongguan 68- Ronald 23, Feng 14, Li 7, Gu 7, Sun 6, Chen 5, Liu 3, Chang 3, Song 0.
Quarterscores: 19-18; 39-34; 58-54; 75-68.