MANILA, Philippines - Hindi uurungan ni Cresencio Sabal ang mga Kenyan runners na lalahok sa darating na 34th National Milo Marathon na sisimulan sa Hulyo 4 sa pamamagitan ng Metro Manila eliminations sa Quirino Grandstand sa Luneta Park.
“Siyempre, malaking challenge sa akin at sa mga Filipino runners ‘yung pagsali ng mga Kenyans,” sabi kahapon ni Sabal. “ Pero hindi ako natatakot sa kanila. Ipapakita ko kung paano lumaban ang mga Pinoy.”
Naglista si Sabal ng tiyempong 2:32:54 upang pagharian ang nakaraang 2009 National Milo Finals, samantalang si Cristabel Martes naman ang nagreyna sa women’s division mula sa kanyang bilis na 3:01.20.
Kabilang sa mga Kenyan runners na inaasahang lalahok sa marathon ay sina Willy Tanui, Hillary Kimutai, Kipchumba, Doreen Kitaka, Simon Losiaboi, Vincenp Chepsiror, Willy Rofich, Alex Melly, Gilbert Kipchelor at David Kipsang.
“Kumpiyansa naman ako sa sarili ko na kaya ko silang talunin,” dagdag pa ni Sabal sa mga Kenyan runners na itinataguyod ng isang negosyante sa Olongapo City.
Para sa 2010 Milo Marathon, kabuuang 17 elimination races ang itinakda sa iba’t ibang bahagi ng bansa, habang ang National Finals ay gagawin sa Disyembre 12 sa Quirino Grandstand.
Ang magkakampeon sa lalaki at babae ay mananalo ng tig-P300,000.
Hangad naman ng Milo na magbigay ng 4,000 pares ng sapatos para sa mga batang gustong sumali sa pagtakbo, ayon sa sports events executive na si Pat Goc-Ong.
“In past years, many children who ran in the Milo Marathon competed even without shoes,” sabi ni Goc-Ong. “Milo is committed to helping more children realize their potential. It knows the importance of developing one’s talent and wishes to give these kids an opportunity to shine and achieve something for themselves.”