Kapalaran ng Ginebra nakasalalay sa ROS; Coke
MANILA, Philippines - Kung may dapat mang gawin ang mga Gin Kings upang tuluyan nang masikwat ang ikatlo at huling outright quarterfinals berth, ito ay ang idalangin na matalo ang Tigers at Elasto Painters sa kanilang huling dalawang laro.
Kung parehong mananalo ang Coca-Cola at Rain or Shine sa kanilang natitirang dalawang laban, magkikita sila sa isang playoff game para sa karapatang hamunin ang Barangay Ginebra sa nalalabing outright quarterfinals seat.
Tangan ng semifinalist Talk ‘N Text Tropang Texters ang 15-3 rekord kasunod ang nagdedepensang San Miguel (12-5), Derby Ace (12-5), Alaska (11-6) Gin Kings (9-8), Tigers (7-9), Elasto Painters (7-9), Sta. Lucia (5-12), Air21 (4-13), Barako Coffee (3-14).
Tinapos ng Ginebra ang kanilang mga laro sa eliminasyon mula sa 83-101 kabiguan sa Derby Ace noong Miyerkules para sa kanilang ikatlong sunod na kamalasan.
Nakatakdang sagupain ng Rain or Shine ang Air21 ngayong alas-5 ng hapon kasunod ang sultada ng Coca-Cola at Sta. Lucia sa alas-7:30 ng gabi sa second round ng 2009-2010 PBA Fiesta Conference sa Araneta Coliseum.
Magkikita ang Elasto Painters at ang Tigers sa Linggo para sa kanilang huling asignatura.
Kasalukuyang sumasakay ang Coke sa isang two-game winning streak na nagpalakas sa kanilang tsansa sa quarterfinal round.
Hangad naman ng Express ni Yeng Guiao na tuluyan nang makopo ang ikaapat at huling wildcard seat kasabay ng pagpapatalsik sa Coffee Masters ni Junel Baculi.
- Latest
- Trending