MANILA, Philippines - Nagtuwang sina Islam Abbaas, Zaid Abbas at Sam Daghles sa huling tatlong minuto ng laro para igiya ang Jordan sa 84-81 panalo kontra Barangay Ginebra sa 2010 Smart Philippine Invitational Challenge kahapon sa Ninoy Aquino Stadium.
Nagtala si Islam Abbaas ng 21 points, 3 rebounds at 2 assists, habang may 17 marka si Zaid Abbas, tig-11 sina American Rasheim Wright at Mohammad Adrab at 10 si Daghles para sa tagumpay ng Jordanians.
Umiskor naman si Sunday Salvacion ng 15 points, tampok rito ang 5-of-6 shooting sa three-point range, sa panig ng Gin Kings.
“We don’t know them. They shoot from everywhere,” ani Jordan head coach Mario Palma, isang Portugese, sa Ginebra ni mentor Jong Uichico. “They are very athletic and very good in shooting.”
Mula sa 51-38 abante ng Jordanians, naidikit nina JC Intal at John Ferriols ang Gin Kings, nakahugot ng 6 points, 1 board at 1 steal kay import Den Ham Brown mula sa 13:46 minutong paglalaro sa first half, sa 45-51 sa 4:25 ng third period.
Isang 10-0 atake ang ginawa ng Jordan para iposte ang isang 16-point lead, 61-45, sa 2:01 nito.
Mula sa 55-70 agwat sa Jordanians, tinalo ang RP Team nina Chot Reyes at Yeng Guiao noong 2007 at 2009 FIBA Asia Championships, isang 21-7 bomba ang inihulog ng Gin Kings para agawin ang unahan sa 76-75 sa 3:26 ng final canto.
Sa naturang ratsada ng Ginebra, tatlong three-pointers ang isinalpak ni Salvacion, habang nag-ambag naman ng tig-apat na puntos sina Rico Villanueva at Ronald Tubid.
Mula rito, dinala naman nina Abbaas, Abas at Daghles ang Jordan sa 81-76 bentahe laban sa Gin Kings, hindi ginamit sina Mark Caguioa at Jayjay Helterbrand, sa huling 1:16 ng laro.
Bago sumabak sa naturang five-team, four-day mini pocket tournament, nanggaling muna ang mga Jordanians, pinaghahandaan ang darating na 2010 FIBA World Championship sa Turkey sa Agosto, sa isang training camp sa China.
Kaugnay nito, karagdagang silya sa mga bansa sa Asya para sa 2012 Olympic Games sa London.
Ito ang itutulak ni Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) president Manny V. Pangilinan sa kanyang pagdalo sa International Basketball Federation (FIBA) World Congress na nakatakda sa Setyembre 3-6 sa Istanbul, Turkey.
“Just basing it on population, Asia is huge and aside from China, the Middle East countries are also contenders already so I think it’s proper to add at least one more slot,” ani Pangilinan kahapon.
Nakatakda ang qualifying tournament para sa Asya patungo sa 2012 London Olympics sa Lebanon sa 2011.
Ilalatag ng SBP ang kanilang kahilingan sa FIBA Central Board na mabigyan ng karagdagang puwesto ang mga bansa sa Asya para sa naturang quadrennial event.
Tanging ang magkakampeon sa 2011 Fiba Asia Men’s Championship sa Beirut ang siyang kakatawan sa Asya sa 2012 London Olympics.
Jordan 84 - Abbaas 21, Abbas 17, Wright 11, Hadrab 11, Daghles 10, Alawadi 6, Al-Sous 3, Abu Quora 0 at Alnajjar 0.
Ginebra 81 - Salvacion 15, Cortez 13, Intal 10, Miller 9, Tubid 8, Brown 6, De Ocampo 5, Villanueva 5, Hatfield 4, Ferriols 4, Menk 2.
Quarterscores: 29-13; 42-31; 65-53; 84-81.