Smart Gilas susubukan ng China ngayon sa MVP Cup
MANILA, Philippines - Matapos noong 2009-2010 PBA Philippine Cup, muling matutunghayan ng mga Filipino fans ang Smart Gilas Pilipinas.
Nakatakdang harapin ng Nationals ang Dongguan New Leopards, isang club team sa Chinese Basketball Association (CBA), ngayong alas-6:30 ng gabi matapos ang salpukan ng Barangay Ginebra at National team ng Jordan sa alas-4:30 ng hapon sa Smart Philippines Invitational Challenge sa Ninoy Aquino Stadium.
Ang naturang five-team, four-day pocket tournament ang siyang gagamitin ni Serbian coach Rajko Toroman bilang preparasyon para sa paghahanda sa darating na 16th Asian Games sa Guangzhou, China sa Nobyembre.
“This is a big opportunity for Smart Gilas to play in front of the Filipino fans,” wika kahapon ni Toroman sa press conference na idinaos sa Traders Hotel.
Ang nasabing okasyon ay dinaluhan rin nina Jordan coach Mario Palma, Talk ‘N Text team manager Virgil Villavicencio, Ginebra team manager Samboy Lim at Philippine Sports Commission chairman Harry Angping.
Ang Jordan ni Palma, nagtapos bilang third-placer sa 2009 Tianjin qualifier sa China, ay naghahanda para sa FIBA-World Championships sa Turkey sa Agosto.
Gagamitin naman ng Ginebra ni Jong Uichico at Talk ‘N text ni Reyes sina imports Denham Brown at Shawn Daniels, ayon sa pagkakasunod.
- Latest
- Trending