Patrombon, Alcantara umabante sa susunod na round sa doubles

MANILA, Philippines - Binigyan kinang pa nina Jeson Patrombon at Francis Casey Alcantara ang paglalaro sa AEGON Junior International-Roehampton 2010 sa London nang matagumpay silang nakipagtambal sa mga dayuhang kapareha para makaabante sa first round sa boy’s doubles.

Si Patrombon at Barrett Franks ng New Zealand ay nangibabaw kina Gregoire Barrere at Mathias Bour­gue ng France sa pamamagitan ng 6-3, 2-6,(10-8) ta­gumpay.

Sa kabilang banda, si Alcantara na katambal si Oliver Golding ng Great Britain ay kuminang laban kina Nick Chappel at Dane Webb ng USA, 6-2, 6-4.

Maituturing na paghihiganti ang ginawa ni Alcantara sa nakuhang nilang panalo ni Golding dahil si Chappel ang tumalo kay Patrombon sa boy’s singles first round.

Sisikapin ng mga nanalong koponan na maipagpa­tuloy ang mainit na paglalaro para manatiling nasa kon­tensyon sa titulo ng Grade I event na huling tune-up ng mga manlalarong sasali sa Wimbledon Junior sa papasok na linggo.

Sina Patrombon at Franks ay makakaharap ang wild card entries ng host country na sina Liam Broady at Tom Farquharson na sinilat ang top seeds na sina Duilio Be­retta ng Peru at Roberto Quiroz ng Ecuador, 6-3, 6-3.

Babangga naman sina Alcantara at Golding sa eight seeds na sina Filip Horansky at Jozef Kovalik ng Slovakia na pinagpahinga na sina Darian King ng Barbados at Junior Ore ng USA, 3-6, 6-4, (10-6).

Show comments