MANILA, Philippines - Paborito man siya sa laban ay hindi naman sobra ang kumpiyansa ni Juan Manuel Lopez na itataya ang hawak na WBO featherweight title laban sa Filipino challenger Bernabe Concepcion.
Sa panayam ng El Nuevo Dia, kinilala ng walang talong si Lopez ang taglay na bangis at pagkagutom ni Concepcion kaya’t pinaghahandaan niya nang husto ang kanilang title fight na itinakda sa Hulyo 10 sa Puerto Rico .
“He’s strong. He’s even younger than me and he has the desire to win,” wika ng 26-anyos na si Lopez na mayroong 28-0 karta kasama ang 25 KO.
Idedepensa niya ang titulo kay Concepcion sa unang pagkakataon matapos niyang agawin ito kay Steven Luevano noong Enero 23 sa pamamagitan ng seventh round TKO panalo.
Si Luevano ay nakalaban na rin ni Concepcion at nauwi ang laban sa diskuwalipikasyon sa Filipino challenger nang matawagan ng illegal punch nang nagtuos noong Agosto 15, 2008.
Si Concepcion din ang ikalawang Pinoy na makakaharap ni Lopez at ang una ay ang two-division champion na si Gerry Peñalosa na kanyang tinalo ng hindi na tumugon si Peñalosa sa panimula ng 10th round.
Ngunit di tulad ni Peñalosa, alam ni Lopez na mas matinding kalaban si Concepcion na aniya ay may kakayahang sumuntok mula sa iba’t ibang anggulo.
Dahil dito ay kinuha niya ang serbisyo ni super bantamweight Jonathan Oquendo na makakaharap naman ang isa pang Filipino boxer na si Eden Sonsona sa undercard ng nasabing title fight.
Si Concepcion ay masusi rin ang paghahanda sa pinakamalaking laban at nagpahayag din ng kumpiyansang magiging kauna-unahang boksingero na magpapatikim ng kabiguan kay Lopez.
Edad 22 si Concepcion at siya’t magbibigay ng tatlong pulgada sa tangkad kay Lopez na 5’7” at tatlong inch reach advantage 69”-66”, pero papawiin ito ng Filipino boxer gamit ang magandang diskarte at tibay ng dibdib.