MANILA, Philippines - Bigo pa rin si Jeson Patrombon sa hangaring titulo sa larangan ng tennis sa taong ito.
Hindi umubra sa pagkakataong ito ang naunang magandang tambalan nina Patrombon at Amerikanong si Mitchell Krueger nang matalo sila sa second seeds nina Dominic Thiem ng Austria at Matthias Wunner ng Germany, 6-3, 6-1, sa finals ng boy’s doubles ng 11th Gerry Weber Junior Open sa Halle, Germany.
Ito ang unang pagkakataon na nakapasok sa finals sa doubles si Patrombon pero ikalawang pagtatangka na niya na manalo ng titulo.
Ang una ay nangyari sa Japan Open nitong Abril pero minalas siya nang yumukod siya kay Rikuto Furuta ng host country.
Hindi man pinalad ay malaki naman ang maitutulong ng karanasang makalaro sa finals sa grass court sa kanyang hangaring mapabuti pa ang ipinakikita bago sumalang sa Wimbledon mula Hunyo 24 hanggang Hulyo 4.
Matapos ang torneo, si Patrombon kasama ang kanyang coach na si Manny Tecson ay tumulak na patungong London para sumali naman sa AEGON Junior International-Roehampton na gagawin mula Hunyo 20 hangang 25.