MANILA, Philippines - Walang bakas sa kanyang mukha na magiging mahina at matatalo siya sa kanilang rematch ni Mexican challenger Omar Nino Romero.
“I feel very strong and I’m very sure I’ll beat Omar Nino clearly,” sambit ni World Boxing Council (WBC) flyweight champion Rodel Mayol sa kanilang weigh-in kahapon para sa kanyang title defense kay Romero ngayon sa Queretaro, Mexico.
Kapwa pumasok sina Mayol at Romero na may parehong bigat na 108 pounds.
Sa kanilang unang paghaharap noong Pebrero 27 sa Guadalajara, Mexico, isang third-round technical draw ang naitakas ni Mayol matapos ang ikalawang low blow sa kanya ni Romero.
Bitbit ng 28-anyos na si Mayol ang 26-4-2 win-loss-draw ring record kasama ang 20 KOs, samantalang dala ng 34-anyos na si Romero ang 28-3-2 (11 KOs) slate.
Ang WBC flyweight belt ay dating inagaw ni Romero kay Brian “The Hawaiian Punch” Viloria noong Agosto 10, 2006.
Ngunit makaraang alisan ng titulo si Viloria, hinubaran naman si Romero ng WBC ng korona sa kanilang rematch noong Nobyembre 18, 2006 matapos bumagsak sa post-fight drug test.
Kumpiyansa si Romero na muli niyang makukuha ang naturang WBC title sa kanilang ikalawang sunod na paghaharap ni Mayol.
“This belt will remain here and Mayol will return to the Philippines with empty hands,” wika ni Romero. “I just want to knock Rodel Mayol out.”
Sinabi naman ng Filipino champion na inaasahan niyang gagamitin ng Mexican fighter ang kanyang ‘dirty tactics’ sa kanilang pangalawang pagtatahgpo matapos noong Pebrero.