MANILA, Philippines - Natapos na ang franchise-best 13-game winning streak ng Tropang Texters.
Mula sa dalawang krusyal na freethrows ni KG Canaleta sa huling 0.8 segundo, tinakasan ng Derby Ace ang semifinalist Talk ‘N text, 88-87, sa second round ng 2009-2010 PBA Fiesta Conference kahapon sa Tacloban Convention Center.
Bagamat napigil ang kanilang ratsada, isa nang ‘no bearing’ ang naturang laro ng Tropang texters sa Llamados mula sa kanilang nasambot nang isa sa dalawang outright semifinals berth.
May 11-5 baraha ngayon ang Derby Ace para pasiglahin ang kanilang pag-asa sa ikalawa at huling automatic semis seat sa ilalim ng Talk ‘N Text (14-3) at nagdedepensang San Miguel (12-5) kasunod ang Alaska (9-6), Barangay Ginebra (9-7), Rain or Shine (7-8), Coca-Cola (7-9), Sta. Lucia (5-11), Air21 (3-13) at Barako Coffee (3-13).
Nagposte ang Llamados, nasa isang four-game winning streak ngayon, ang isang 10-point lead, 60-50, sa 4:36 ng third period mula sa layup ni Roger Yap bago naagaw ng Tropang Texters ang unahan sa 77-73 sa 6:37 ng fourth quarter.
Ang dalawang sunod na three-point shots nina Ranidel De Ocampo at Mac Cardona kumpara sa split ni import Clif Brown ang nagtabla sa Talk ‘N text sa 87-87 sa huling 1.4 segundo kasunod ang freethrows ni Canaleta para sa Derby Ace sa natitirang 0.8 segundo.
Samantala, pipilitin naman ng Aces na palakasin ang kanilang tsansa para sa ikalawa at huling outright semis berth sa pakikipagtagpo sa Realtors ngayong alas-4 ng hapon sa Araneta Coliseum.
Magpapang-abot naman sa alas-6:30 ng gabi ang Gin Kings at ang Express.
Hangad naman ng Sta. Lucia, nanggaling sa 113-91 paggupo sa Air21 noong Biyernes para wakasan ang kanilang six-game losing slump, na pormalisahin ang kanilang pagpasok sa wildcard phase.
Sa ikalawang laro, target ng Ginebra na masilo ang ikatlo at huling outright quarterfinals seat sa pakikipaglaban sa nanganganib na Air21
Nanggaling ang Gin Kings sa isang 95-96 kabiguan sa Tigers noong Hunyo 13 kung saan nila ipinarada si dating Express’ pointguard Mike Cortez bilang kapalit ni power forward Billy Mamaril.
Meg Derby Ace 88 – Brown 24, Yap J. 19, R. Yap 11, Simon 9, Pingris 6, Artadi 6, Canaleta 4, Allado 2, Maierhofer 2, Adducul 0, Reavis 0.
Talk N’ Text 87 – De Ocampo 16, Daniels 11, Alapag 11, Castro 11, Reyes 10, Cardona 9, Carey 8, Dillinger 6, Yee 3, Quinahan 2, Aban 0.
Quarterscores: 23-20, 44-39, 67-64, 88-87.