Pasado lahat!
MANILA, Philippines - Pumasa ang mga manlalarong ipinatala ng siyam na koponang magtatagisan sa 86th NCAA basketball na magsisimula na sa Hunyo 26 sa Araneta Coliseum.
Bagamat mananatiling paborito ang nagdedepensang San Sebastian, hindi naman matatawaran ang lakas ng ibang kalahok sa pangunguna ng dating 3-peat champion na San Beda na ipaparada uli si American Sudan Daniels at napalakas ng pagkuha ng kambal na Fil-Aussie na sina Anthony Paul at David John Semerad.
Nasa koponan na rin si Kyle Pascual, na isang 6’5 center na nakabase sa California.
“Malalakas ang mga rookies namin pero makikita ang kanilang husay sa aktuwal na laro,” wika ni Frankie Lim.
Nilinaw naman ni Management Committee chairman ng host San Sebastian na si Frank Gusi na kahit pasado ang mga manlalarong ipinatala ay maaari silang makuwestiyon kung may maipapakitang bagong ebidensya ang mga magnanais na magreklamong kasaping koponan.
“We’ver already approved the roster but a team can question a player’s eligibility if they have strong evidence. Otherwise, everybody can play,” paliwanag ni Gusi.
Ang Stags na magbabalak ng ikalawang sunod na titulo sa patnubay ni coach Renato Agustin ay aasa kina Calvin Abueva, John Raymundo, Gilbert Bulawan, Ian Sangalang at Ronald Pascual.
Ang Jose Rizal University na hahawakan sa unang pagkakataon ng dating Heavy Bomber at PBA Great Vergel Meneses ay sasandal kina Cameroonians John Njei Nchotu at Joe Etame bukod kay Marvin Hayes.
Ang lakas ng San Sebastian, San Beda at JRU ay makikilatis sa unang araw ng torneo dahil ang Stags ay makakalaban ang Letran ganap na ika-2 ng hapon at susundan ng pagkikita ng Lions at Bombers dakong alas-4.
- Latest
- Trending