Realtors tinulungan ni Johnson sa panalo
MANILA, Philippines - Matapos ang anim na sunod na kamalasan, napatunayan ng mga Realtors na kaya nilang manalo kahit na wala na sa kanila sina Kelly Williams at Ryan Reyes.
Humugot si import Anthony Johnson ng 14 sa kanyang team-high 28 points sa third period upang tulungan ang Sta. Lucia sa 113-91 paggiba sa Air21 para sikwatin ang isang playoff seat sa wildcard phase ng 2009-2010 PBA Fiesta Conference kahapon sa Ninoy Aquino Stadium.
“Finally we won. It’s been a while,” ani coach Boyet Fernandez sa pinagmulang six-game losing skid ng kanyang Realtors sapul nang dalhin sina Williams at Reyes sa Talk ‘N Text Tropang Texters. “They really showed that at least we can win without Kelly and Ryan.”
Itinaas ng Sta. Lucia sa 5-11 ang kanilang baraha sa ilalim ng semifinalist Talk ‘N Text (14-2), nagdedepensang San Miguel (11-5), Derby Ace (10-5), Alaska (9-6), Barangay Ginebra (9-7) at Rain or Shine (7-7) at Coca-Cola (7-9), Air21 (3-13) at Barako Coffee (3-13).
Kinuha ng Realtors ang 42-29 abante sa 5:41 ng second period mula sa basket ni Jason Misolas hanggang maagaw ng Express, nasa isang two-game losing slump ngayon, ang 49-47 sa huling 36.6 segundo nito.
Buhat sa basket at buzzer-beating three-point shot ni Josh Urbiztondo, isang 13-2 atake ang ginawa ng Sta. Lucia para iwanan ang Air21 sa 65-51 sa 8:53 ng third quarter patungo sa 80-59 bentahe sa 3:41 nito.
Itinala ng Realtors ang isang 28-point lead, 98-70, sa 8:21 ng final canto galing sa split ni Ogie Menor.
Samantala, itataya naman ng Tropang Texters ang kanilang franchise-best 13-game winning streak laban sa Llamados ngayong alas-5 ng hapon sa Tacloban City.
Nanggaling ang Talk ‘N Text sa 85-82 panalo sa San Miguel noong nakaraang Sabado sa Victorias City, Negros Occidental kung saan nila nakamit ang una sa dalawang outright semifinals seat.
- Latest
- Trending