Gabe Freeman maglalaro na?
MANILA, Philippines - Matapos ang pagpapahinga sa nakaraang dalawang laro ng Beermen, nakahanda na si 2009 PBA Best Import Gabe Freeman na muling sumabak sa aksyon.
Lumutang ang balitang naging positibo si Freeman sa paggamit ng marijuana kaya ito nakatikim ng isang two-game suspension mula sa PBA Commissioner’s Office.
“One day before our game in Victorias City (Negros Occidental) against Talk ‘N Text last Saturday talagang nilalagnat na siya eh, dehaydrated na siya,” pagdedepensa ni coach Siot Tanquingcen sa kanyang import.
Nahulog sa isang three-game losing skid, haharapin ng nagdedepensang San Miguel ang Rain or Shine ngayong alas-7:30 ng gabi matapos ang salpukan ng Sta. Lucia at Air21 sa alas-5 ng hapon sa second round ng 2009-2010 PBA Fiesta Conference sa Ninoy Aquino Stadium.
Bitbit ng mainit na Talk ‘N Text Tropang Texters ang liderato mula sa kanilang 14-2 kartada sa itaas ng Beermen (11-5), Derby Ace Llamados (10-5), Alaska Aces (10-6), Ginebra Gin Kings (9-7), Elasto Painters (7-8), Coca-Cola Tigers (7-9), Realtors (4-11), Express (3-12) at Barako Coffee Masters (3-13).
Huling natalo ang San Miguel sa Coke, 86-89, noong Miyerkules kung saan si assistant coach Ato Agustin ang umaktong mentor, habang nanatili sa bench si Tanquingcen.
Sa kanyang post-game interview, tila inamin na ni Tanquingcen na tuloy na ang kanyang pagbaba bilang head coach ng San Miguel.
“Ganun talaga ‘yun eh. I mean I thank God for the opportunity, I thank the management for the opportunity to lead the team,” ani Tanquingcen. “Those are the things that are not in my control.”
Sinasabing tatapusin muna ni Agustin, naghatid ng ilang PBA titles sa San Miguel, ang kanyang kontrata sa five-time NCAA champion San Sebastian College-Recoletos sa Oktubre bago pormal na hirangin bilang bagong head coach ng SMC franchise.
“The team is not about one individual eh. It’s not about who’s playing or who’s coaching. It’s about helping the team to achieve its goal,” ani Tanquingcen.
- Latest
- Trending