Patrombon namaalam na sa 11th Gerry Weber Junior Open

MANILA, Philippines - Hindi naging maganda ang pagbubukas ni Jeson Patrombon sa grass court nang matalo ito sa tatlong ma­higpitan sets laban kay German wild card Lynn Max Kempen sa 11th Gerry Weber Junior Open sa Halle Germany.

Sinikap na makipagsabayan ni Patrombon sa 6’3” na katunggali pero naubos ang Filipino netter sa huling dalawang game ng ikatlong set para lasapin ang 6-7 (4), 6-3, 5-7, kabiguan at ma­patalsik sa Grade II event ng ITF.

Kung may isang konsolasyon si Patrombon, ito’y ang katotohanang matindi ang kompetisyon sa torneo dahil nakasama ng seventh seed na si Patrombon ang tatlong iba pang seeded players na namaalam.

Ang third seed Dominic Thiem ng Austria ay natalo kay Daniel Masur na isang wild card ng Germany, 6-2, 6-1; ang sixth seed na si Dennis Novikov ng US na natanggal kay Leonard Stakhovsky ng Ukraine, 6-0, 4-6, 6-3, habang ang isa ang US bet na si Nick Chappel na fifth seed ay natalo kay Filip Veger ng Croatia, 5-7, 6-2, 7-6 (3).

Tatangkain pa ni Pa­trom­­bon na makabangon sa di magandang ipinakita sa boy’s singles sa paglahok sa doubles kasama si US Mitchell Krueger.

Kalaban ng tambalan sina Jaden Grinter at Ben Mclachlan ng New Zealand sa first round na ginanap kahapon.

Show comments