MANILA, Philippines - Kagaya ng dapat asahan, muling inasar ni trainer Floyd Mayweather, Sr. si Filipino world seven-division champion Manny Pacquiao.
Sa panayam ng FightHype.com kahapon, sinabi ni Floyd, Sr. na mababalewala ang mga tinanggap na karangalan ng 31-anyos na si Pacquiao sa sandaling talunin siya ng 33-anyos na si Floyd Mayweather, Jr.
Nauna nang tumanggap si Pacquiao ng “Fighter of the Year at “Fighter of the Decade” award mula sa Boxing Writers Association of America (BWAA) sa New York.
“Pacquiao has two draws and a loss in this decade. Lil’ Floyd is undefeated in this decade and in his career,” pagyayabang ni Floyd, Sr. “On top of that, Pacquiao beat two guys Lil’ Floyd already beat and struggled twice with a guy Floyd blanked out 12 rounds to nothing.”
Ang tinutukoy ni Floyd. Sr. na nauna nang tinalo ni Mayweather ay sina Ricky Hatton at Oscar Dela Hoya at ang rematch ni Pacquiao kay Juan Manuel Marquez.
Kamakalawa ay nanguna si Pacquiao sa ‘pound-for-pound’ ratings ng Ring Magazine.
Ikinainis ni Floyd, Sr. ang pagbibigay ng BWAA ng dalawang karangalan sa Congressman ng Sarangani.
Kasalukuyang ibinabandera ni Pacquiao ang kanyang 51-3-2 win-loss-draw ring record kasama ang 38 knockouts, habang bitbit ni Mayweather ang malinis na 41-0-0 (25 KOs) card.