Opisyales ng 2 cycling body, nagkaayos na
MANILA, Philippines - Para sa ikabubuti ng pambansang siklista ay nagkaayos ang nag-aaway na liders sa dalawang cycling associations sa bansa upang maisulong ang iisang tryouts.
Ang dialogo na pinamunuan ni Mauricio “Moying” Martelino sa dalawang grupo ng Philcycling kahapon sa POC office ay nagbunga nang pumayag ang mga cycling officials na isantabi kahit hanggang sa Asian Games ang kanilang hidwaan.
Si Atty. Cornelio Padilla Jr. ang siyang kumatawan sa UCI recognized cycling group na pinamumunuan ni Abraham Tolentino habang sina chairman Col. Arnold Taberdo at sec-gen Armando Bautista ang humarap naman sa grupong binasbasan ng POC.
Nagkasundo ang magkabilang grupo na hahatiin ang opisyales na mangangasiwa sa tryouts bukod pa sa pagpapalabas ng listahan ng siklistang dapat na masama sa pagpili ng kinatawan sa Guangzhou, China Asian Games sa Nobyembre.
Sa Subic sisimulan ang tryouts at ang petsang Hulyo 9 at 10 ay para sa road race sa massed start at individual time trial. Sa Hulyo 11 naman ang cross country sa mountain bike habang ang track elimination sa Amoranto Velodrome sa Quezon City ay gagawin sa Hulyo 12 at 13.
- Latest
- Trending