MANILA, Philippines - Ipinakita ng RP dragonboat team ang kanilang kahandaan na makapaghatid ng ginto sa 16th Asian Games sa Guangzhou, China matapos manalo ng ginto at pilak sa kanilang unang kompetisyon sa labas ng bansa sa taong ito.
Sa Taiwan Dragon Boat Festival sa Dajia Riverside Park sa Taipei City nitong Sabado’t Linggo lumahok ang Pambansang koponan sa kalalakihan at kuminang agad ang laro ng 25-kataong rowers matapos hiyain ang national team ng Chinese Taipei.
Kinuha nga ng pambansang koponan ang pinaglabanang 500m distansya sa bilis na isang minuto at 57.80 segundo para hiyain ang host team na may 1:58.06 bilis para sa pilak na medalya.
Bagamat walang dalang women rowers ang koponan, sumali rin ang lahok ng Philippine Dragon Boat Federation sa mixed race at isinama sa kanila ang mga lady rowers ng Triton at PDRT Clubs at nakakuha pa rin ng pilak na medalya sa bilis na 2:06.39 o 29 milliseconds kinapos sa Taiwanese team na may 2:06.10.
Ito ang unang exposure ng koponan na nagsimulang magsanay ng masinsinan noong nagdaang buwan at ang kinuhang ginto ay senyales na kaya nilang kumuha ng ginto sa Guangzhou Asian Games.
Dumating kahapon ng madaling araw ang koponan pero kinagabihan ay umalis din kasama na ang women’s team para lumahok sa kompetisyon sa Macau at sa Zhao-Quing sa China.
Mas mabigat ang kompetisyon sa dalawang torneong ito dahil naririyan ang China na siyang host ng Asian Games at hinuhulaang hahakutin ang lahat ng anim na gintong itataya sa kompetisyon.