Mepranum knockout sa Mexican
MANILA, Philippines - Hindi kinaya ni Filipino boxer Richie Mepranum ang matitinding suntok ni Mexican Julio Cesar Miranda upang mabigo sa tangkang world title nitong Linggo sa Centro de Convenciones sa Puebla, Mexico.
Ang 23-anyos ay tatlong beses na humalik sa lona kay Miranda, ang huli ay matapos tamaan uli sa tiyan. Sinikap nitong bumangon uli pero isinenyas na ni referee Russel Mora na hindi na dapat ituloy ang laban upang maisalba ang tubong Maasim, Sarangani Province sa mas matinding kapahamakan.
Bago ang pagtigil ay dalawang beses ng natumba si Mepranum sa 4th round.
Ito naman ang ikatlong pagtatangka ng 30-anyos na si Miranda sa titulo at nakabawi siya sa mga kabiguang tinamo sa kamay nina Pongsaklek Wonjongkam ng Thailand noong Abril 24, 2009 para sa WBC flyweight title at kay Moruti Mthalane ng South Africa noong Nobyembre 20 para sa IBF flyweight title.
Bago ang title fight na ito ay nanalo sa pamamagitan ng unanimous decision si Mepranum kontra kay Hernan Marquez noong Marso sa US upang makumbinsi ang humahawak sa kanya na hinog na ito sa isang world title.
Ikalawang kabiguan sa 25 laban ang nalasap ni Mepranum habang 32 panalo at 25th KO sa 38 laban naman ang nailista ni Miranda.
- Latest
- Trending