M. Lhuillier-Cebu winalis ang elims
MANILA, Philippines - Sampung sunod na puntos ang ibinagsak ni Bruce Dacia sa isang yugto sa fourth period na nakatulong sa paglayo ng M. Lhuillier Kwarta Padala Cebu tungo sa 87-73 panalo sa Ascof Lagundi sa pagtatapos ng eliminasyon sa 1st leg ng Tournament of the Philippines kahapon sa Ninoy Aquino Stadium.
May 15 puntos sa laro si Dacia upang masuportahan si Stephen Padilla na bumandera uli sa Ninos sa 19 puntos.
Maliban sa opensa, malaki rin ang naitulong ng matibay na depensa nang malimitahan lamang sa 13 fourth quarter points ang Cough Busters tungo sa 3-0 karta sa eliminasyon ng Ninos.
Magtutuos uli ang dalawang koponan ngayong alas-3:30 ng hapon para sa kampeonato ng yugto at ang karagdagang 10 puntos na kaakibat na magagamit sa hangaring pag-abante sa playoffs.
Lamang lang ng isa ang Ninos matapos ang tatlong yugto, 61-60, nang magpaulan ng puntos si Dacia. Nang makalayo na ay tila hindi na lumaban ang Cough Busters, maaari dahil na rin sa katotohanang may isa pa silang laban para sa kampeonato ng leg.
“Inaasahan kong may mga adjustments na mangyayari at mas mahirap ang laro pero dito kasi sa larong ito nagkaalaman na kami ng laro,” wika ni Cebu coach Yayoy Alcoseba na isinulong sa 24 sunod ang kanilang pagpapanalo.
Tinapos naman ng Treston Laguna ang kampanya sa pamamagitan ng 95-93 panalo sa Ani-FCA sa unang laro.
Ang Laguna at Ani-FCA ay magtutuos uli ganap na ala-1:30 ng hapon ngayon para sa ikatlong puwesto.
TRESTON LAGUNA 95 - Losentes 21, Mercado 17, Mangahas 16, Sanz 9, Musni 9, Grijaldo 7, Angeles 7, Capati 4, Legaspi 3, Gloriosa 2, Ricafuerte 0.
ANI-FCA 93 - Hugnatan 18, Luanzon 17, Bautista 12, Sena 10, Mirza 10, Custodio 7, Arao 7, Te 5, Dizon 4, Ong 3, Co 0.
Quarterscores: 15-26; 43-40; 73-68; 95-93.
M. LHUILLIER CEBU 87 - Padilla 17, Dacia 15, Santos 13, Basco 10, Saladaga 10, Ybanez 7, Nailon 7, Magsumbol 6, Ababon 2, Cruz 0.
ASCOF LAGUNDI 73 - Aguilar 10, Leynes 9, Labagala 8, Canlas 8, Taylor 7, Gamalinda 6, Smith 6, Maliksi 5, Manuel 5, Lanete 3, Uyloan 3, Co 3, Asoro 0, Mangahas 0.
Quarterscores: 19-10; 47-42; 61-60; 87-73.
- Latest
- Trending