MANILA, Philippines - Lumapit sa hangaring puwesto sa susunod na yugto ang pakay ngayon ng mainit na Manila sa pagpapatuloy ng Dunkin’ Donut Baseball Philippines Series VI sa Alabang Country Club sa Muntinlupa City.
Kalaban ng Sharks ang bagitong Pampanga sa unang laro ganap na alas-9 ng umaga at patok na mailista ang ikatlong sunod na panalo sa anim na koponang liga na inorganisa ng Community Sports Inc.
Naunang pinatumba ng koponang pumangalawa sa Series V ang nagdedepensang Batangas, 5-4, at ang Cebu, 8-7, upang maipakita na sila ang team to beat sa torneo.
Hindi magagamit ng Sharks ang serbisyo ng mga pambatong pitchers na sina Charlie Labrador at Jon Jon Robles dahil nalampasan nila ang 50-pitches limit sa isang laro nang nakaharap ang Dolphins.
Ngunit matibay pa rin ang koponan dahil naririyan pa sina Mick Natividad at MJ Gante habang ang mga batters naman nila ay solido at inaasahang makakapagdomina sa pitchers ng Sand Kings na natalo sa Alabang (5-0) at Taguig (3-2).
Ang Alabang ay makikipagtuos naman sa Taguig sa ikalawang laro dakong ala-1:30 at kapwa mag-uunahan ang dalawang koponan na mailista ang ikalawang sunod na panalo.
Mas angat sa puwesto ang Tigers sa 1-1 karta pero papasok sila sa laro mula sa 1-8 pagkakadurog sa kamay ng Dolphins.