MANILA, Philippines - Gumawa ng kasaysayan si Jeson Patrombon sa kanyang tennis career nang makapasok siya sa round of 16 sa idinadaos na ITF Offenbach Championships sa Germany.
Tinalo ni Patrombon si Patrick Ofner ng Austria sa tatlong set, 2-6, 6-2, 6-4, sa round of 32 kahapon sa larong tumagal ng mahigit na tatlong oras.
Seeded 11th sa torneo, napahirapan si Patrombon dahil natalo siya sa first set at napag-iwanan pa sa 15-40 sa ninth game ng third set at table sa 4-4 ang iskor pero nalusutan ito ng Filipino netter para makaabante sa sumunod na yugto.
Unang pagkakataon ito para kay Patrombon na makaabante sa round of 16 sa torneo sa Europe dahil hanggang round of 32 lamang ang pinasok nito sa mga naunang torneo sa France, Belgium at Italy.
Para makapasok sa quarterfinals, makakatapat ni Patrombon ang sixth seed na si Roberto Quiroz ng Ecuador na pinagpahinga na si Daniel Masur na qualifier mula Germany sa 6-0, 6-2, iskor.
Si Quiroz ay ang nagkampeon sa French Open doubles kamakailan at pamangkin ng dating French Open men’s singles champion Andres Gomez.
Si Patrombon na lamang ang natitirang kumakampanya sa bansa sa torneo dahil natalo na si Francis Casey Alcantara habang ang doubles team nina Patrombon at Alcantara ay namaalam na rin.
Yumukod ang 13th seed na si Alcantara kay Tomas Prokop ng Czech Republic, 3-6, 0-6, habang ang pakikipagtambal niya kay Hugo Dellien ng Bolivia ay hindi rin nagbunga nang ang 5th seeds ay hiniya nina Julian Lenz at Ralf Steinbach ng Germany, 6-7 (2), 5-7.
Sina Patrombon at Cahit Kapukiran ng Turkey ay namaalam naman sa eight seeds na sina Diego Galeano ng Paraguay at Felipe Rios ng Chile, 3-6, 5-7.