MANILA, Philippines - Hindi pa man tapos ang 2010 Coca Cola Hoopla ay nagpaplano na ng mas malaking edisyon ang organizers ng torneo.
Sa pagdalo nina Coca Cola executive JB Baylon at dating national coach at organizer ng torneo Joe Lipa sa PSA Forum sa Shakey’s sa UN Avenue, kanilang ibinulalas na matagumpay ang unang edisyon dahil naisakatuparan nila ang layunin ng pagkakatatag ng torneo.
Una ay ang mabigyan ng pagkakataon ang mga mahihilig sa basketball sa Barangay na maipakita ang kanilang angking galing bukod pa sa pagkakadiskubre na marami pa ring mga mahuhusay na shooters na magagamit ng mga susunod pang national team.
Ipinunto din ng mga organizers ang pagdagsa ng mga basketball scouts sa mga iba’t-ibang paaralan na sumisilip sa kanilang mga laro upang makahanap ng puwedeng makuha para sa kanilang paaralan.
Ilan sa mga posibleng sinipat ay ang mga 3-point shooters na nagpasikat sa mga koponang kalahok at ani Lipa ay nagpapatibay sa hangarin ng Pilipinas na may makita pang kasing-husay ng mga dating shooters sa pangunguna na ni Allan Caidic.
Ngayong gabi ganap na alas-6 ay gagawin ang finals sa pagitan ng Pasig at Muntinlupa sa Pasig City Sports Complex.
Ang Pasig ang siyang may tangan ng twice-to-beat advantage at kailangang manalo muna ang Muntinlupa para makahirit ng do-or-die game.
Pero ngayon pa lamang ay tiniyak na ni Baylon na mas malaki ang ikalawang edisyon ng Hoopla dahil gagawin na nila itong nationwide.
“Hindi bababa sa 100 koponan ang maaaring sumali sa susunod dahil lahat ng lugar sa bansa na mayroong planta ng Coca Cola at iimbitahan naming sumali,” ani Baylon.