Matuloy lang ang laban nila ni Mayweather: 'Di lang sa blood test, Pacquiao payag na rin sa 50-50 hatian
MANILA, Philippines - Bago pa man niya ihayag ng maarteng si Floyd Mayweather, Jr. ang kanyang ‘semi retirement’ sa pamamagitan lamang ng isang video clip, pumayag na si Manny Pacquiao sa ilang kagustuhan nito para matuloy ang kanilang laban.
Ayon kay Bob Arum ng Top Rank Promotions, payag na si Pacquiao na dumaan sa isang random blood testing 14 araw bago ang kanilang banggaan pati na ang 50-50 purse split at ang pagdaraos ng laban sa Las Vegas, Nevada.
“I had some long conversations with Manny and his first goal is the Mayweather fight. But the drug testing was agreed to and so the ball is in Mayweather’s court. Really now, the ball is in his court,” ani Arum kay Mayweather.
Naniniwala rin ang 78-anyos na promoter na gusto lamang ng 33-anyos na si Mayweather na mang-agaw ng eksena dahil sa pagkilala sa 31-anyos na si Pacquiao ng Boxing Writers Association of America (BWAA) bilang “Fighter of the Year” at “Fighter of the Decade” kamakailan.
“That’s the Make A Wish (charity) video,” sabi ni Arum. “I’m used to Floyd saying a lot of things like that. Floyd says a lot of things and I chose to believe differently.”
Sa nasabing video clip, sinabi ng six-time world titlists na magpapahinga muna siya ng isa hanggang dalawang taon para asikasuhin ang kanyang boxing gym.
Sinasabing gusto ni Mayweather na pangalagaan ang kanyang malinis na 41-0-0 win-loss-draw ring record kasama ang 25 KOs sakaling tuluyan na siyang magretiro kumpara sa 51-3-2 (38 KOs) slate ni Pacquiao.
Sakaling muling matakot si Mayweather kay Pacquiao, posibleng itakda ni Arum ang rematch nina Pacquiao at Miguel Cotto, ang bagong World Boxing Association (WBA) light middleweight champion.
“Everyting depends on whether or not we can do a Pacquiao-Mayweather fight. If that falls into place then we’ll match up the other people,” ani Arum. “Now if Mayweather is not going to be available, then Pacquiao would look to (Antonio) Margarito or a rematch with Cotto at 154.”
Kung mangyayari ang rematch nina Pacquiao at Cotto, pupuntiryahin ng bagong Congressman ng Sarangani ang kanyang pang walong korona.
- Latest
- Trending