Solong liderato inangkin ng TNT
MANILA, Philippines - Sumandal ang Tropang Texters sa mga freethrows nina Jimmy Alapag at Ryan Reyes upang sikwatin ang kanilang pang 11 sunod na panalo.
Tinalo ng Talk ‘N Text ang Barangay Ginebra, 92-84, upang angkinin ang liderato sa second round ng 2009-2010 PBA Fiesta Conference kahapon sa Batangas Sports Complex sa Batangas City.
“I think we need at least one more (win for semis assurance) pero para sure two more so we really have to give it our best on Wednesday against Alaska,” ani head coach Chot Reyes sa tsansa ng kanyang Tropang Texters sa isa sa dalawanggg outright semifinals ticket.
Itinaas ng Talk ‘N Text sa 12-2 ang kanilang kartada kasunod ang nagdedepensang San Miguel (11-2), Derby Ace (8-5), Ginebra (8-6), Alaska (7-5), Rain or Shine (6-6), Coke (5-9), Sta. Lucia (4-9), Air21 (3-11) at Barako Coffee (2-12).
Binuksan ng Tropang Texters ang laro mula sa 11-4 lamang bago iwanan ang Gin Kings, ipinarada ang bagong hugot na si Denham Brown kapalit ni Mildon Ambres, sa 37-22 sa 7:39 ng second period.
Matapos kunin ng Talk ‘N Text ang isang 15-point lead, 65-50, sa 4:52 ng third quarter, nagtuwang naman sina Brown, Mark Caguioa, Rudy Hatfield at Sunday Salvacion upang idikit ang Ginebra sa 74-77 sa 5:57 ng final canto.
Isang maikling 9-0 atake ang ginawa nina Alapag, Reyes, Kelly Williams at Harvey Carey para muling ilayo ang Tropang Texters sa 86-74 sa 2:32 nito.
Samantala, sasagupain naman ng Beermen ang Llamados ngayong alas-6:30 ng gabi matapos ang salpukan ng Elasto Painters at Realtors sa alas-4 ng hapon sa Araneta Coliseum.
Talk N’ Text 92 - Alapag 21, Cardona 14, Carey 14, De Ocampo 13, Daniels 9, Reyes 8, Dillinger 6, Williams 3, Castro 3, Yee 0.
Ginebra 84 - Brown 25, Caguioa 15, Hatfield 12, Salvacion 9, De Ocampo 6, Miller 6, Villanueva 5, Wilson 4, Intal 2, Cruz 0, Helterbrand 0.
Quarterscores: 22-16, 45-37, 67-60, 92-84.
- Latest
- Trending