Pacquiao tatanggap ngayon ng 2 award mula sa BWAA

MANILA, Philippines - Sa ikatlong pagkaka­taon, muling gagawaran si Manny Pacquiao ng “Fighter of the Year” award ng Boxing Writer’s As­sociation of America (BWAA) ngayong gabi sa Roosevelt Hotel sa New York.

 Bukod pa rito ang tatanggapin niyang “Fighter of the Decade” trophy galing sa BWAA mula sa taong 2000 hanggang 2009.

Sa naturang dekada, nag­tala ang 31-anyos na ba­gong Congressman ng Sarangani ng kabuuang 23-1-2 win-loss-draw ring record kasama rito ang 20 knockouts (87% knockout rate).

Bilang isang three-time recipient ng “Fighter of the Year” award ng BWAA, napantayan ng Filipino world seven-division champion sina boxing greats Muhammad Ali (56-5) at Evander “Real Deal” Holyfield (43-10-2).

 Mismong ang naging karibal ni Ali na si “Smokin” Joe Frazier ang siyang mag-aabot ng naturang award kay Pacquiao sa nasabing okasyon.

 Kagaya ni “Pacman”, tatanggapin rin ni Freddie Roach ang kanyang the Eddie Futch Trainer of the Year award mula sa BWAA para sa pang apat na sunod na pagkakataon.

Pagkatapos ng naturang awards night, manonood na­man sina Pacquiao at Roach sa paghahamon ni Miguel Cotto kay Yuri Foreman para sa suot nitong World Boxing Association (WBA) light middleweight title bukas sa Yankee Stadium.

 Bago ito, dumalo muna si Pacquiao sa “Friars Club Salute to Bob Arum” sa New York City kahapon kung saan niya nakasama sina six-time former world champion Thomas ‘Hitman’ Hearns at dating lightweight titlist Ray ‘Boom Boom’ Mancini.

Sakali namang tuluyan nang maitakda ang kanilang megafight ni Floyd Mayweather, Jr. sa Nov. 13, ina­asahang sisimulan ni Pac­quiao ang ensayo.

Show comments