Alcantara, Sarmiento tandem talsik na
MANILA, Philippines - Minalas na hindi natapatan nina Francis Casey Alcantara at Raymond Sarmiento ang mainit na paglalaro nina Carlos Bolada-Purkiss ng Spain at Alessandro Colella ng Italy upang mamaalam na sa idinadaos na Roland Garros Junior Championships doubles sa Paris France.
Tila nawala ang focus nina Alcantara at Sarmiento matapos malusutan sa first set sa tie break nang bumigay sila sa mahigpitan ding labanan sa second set tungo sa 7-6(4), 6-3, straight sets kabiguan sa Last 16 ng kompetisyon.
Ang kabiguang ito ay tumapos din sa hangarin ni Alcantara na bigyan uli ng karangalan ang Pilipinas sa Grandslam event na ito.
Noong nakaraang taon ay hinirang bilang kauna-unahang Pinoy netter na nanalo sa Grand Slam event si Alcantara nang magbunga ang pakikipagtambal nito kay Hsieh Cheng-peng ng Chinese Taipei sa Australian Junior Open doubles.
Sa kabiguang ito ay tuluyan ding nagsara na ang kampanya ng Pilipinas sa kompetisyong nilalahukan ng pinakamahuhusay na junior netters sa mundo.
Nauna ng namaalam ang pambatong manlalaro ng bansa na si Jeson Patrombon matapos yumukod ito sa ikalawang laro laban kay Duilio Beretta ng Peru sa tatlong mahigpitang sets, 2-6, 7-6 (4), 2-6.
Pakonsuelo na lamang nina Patrombon at Alcantara ay ang makukuhang puntos sa International Tennis Federation (ITF) upang mapataas pa ang kanilang kasalukuyang rankings na kung saan ang una ay nasa ika-43rd puwesto habang 10 puwesto namang mas mababa si Alcantara sa 53rd puwesto.
- Latest
- Trending