Patrombon yumukod sa Peru bet sa second round
MANILA, Philippines - Nabigo si Jeson Patrombon sa hangaring makausad pa sa idinadaos na Roland Garros Junior Championships nang matalo siya sa 9th seed na si Duilio Beretta ng Peru sa second round na idinadaos sa Paris, France.
Nasayang ang ginawang paghahabol ni Patrombon second set upang maitabla sa 1-1 ang best of three series nang kapusin ito sa deciding set tungo sa 6-2, 6-7 (5), 6-2, kabiguan.
Nawala ang momentum sa 17-anyos na si Patrombon sa pagsisimula ng third set nang humingi ng timeout si Beretta.
Matapos nito ay nanumbalik ang init ng paglalaro ng number 9th sa mundo na manlalaro at agad na umalagwa sa 3-0 lamang sa ikatlo at huling set.
“These players are so experience in these things that they will use the time outs to destroy their opponent’s momentum. This is purely gamesmanship but it is within the rules of tennis,” wika naman ni coach Manny Tecson.
Dahil dito, si Patrombon na unang nanalo kay Miki Jankovic ng Serbia, 6-3, 6-1, ay napatalsik na sa kompetisyon.
Bigo man ay tiyak naman ang pagtaas sa ranggo ni Patrombom matapos manalo ng isa sa Grade A tournament.
Sa kasalukuyan ay tumaas na ang puwesto ni Patrombon matapos malagay na sa 43rd puwesto mula sa dating 46th place.
Ang isa pang Pinoy na naglalaro naman sa doubles na si Francis Casey Alcantara ay nananatiling buhay pa kasama ang Fil-Am na si Raymond Sarmiento nang manalo sila sa unang laro kontra kina Filip Horansky at Jozef Kovalik ng Slovak Republic , 6-4, 0-6 (10-4).
Umabante sila sa second round at makakasukatan sina Carlos Boluda-Purkiss ng Spain at Alessandro Colella ng Italy na sinibak ang sixth seeds na sina American Mitchell Frank at Junior Ore, 6-3, 6-3.
- Latest
- Trending