MANILA, Philippines - Kagaya ng dapat asahan, dumiretso sa kanilang pang 10 sunod na arangkada ang mga Tropang Texters para muling makasosyo sa liderato ang Beermen.
Nagbida sina Mac Cardona, Ranidel De Ocampo, Jayson Castro, Kelly Williams sa 104-85 paggiba ng Talk 'N Text sa Rain or Shine sa second round ng 2009-2010 PBA Fiesta Conference kahapon sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
“This team (Elasto Painters) is a dangerous team to play with. They always get one from us every conference and I told the boys to play tough,” wika ni Tropang Texters’ coach Chot Reyes.
May 11-2 rekord ngayon ang Talk ‘N Text katabla ang nagdedepensang San Miguel kasunod ang Barangay Ginebra (8-5), Derby Ace (7-4), Alaska (6-5), Rain or Shine (6-6), Coca-Cola (5-8), Sta. Lucia (4-8), Barako Coffee (2-11) at Air21 (2-11).
Agad na kinuha ng Tropang Texters ang 53-32 abante sa first half patungo sa 82-54 pagbaon sa Elasto Painters.
Sa naturang ratsada sa third quarter, nagbida sina Castro, Cardona, De Ocampo at Williams.
Ayon kay Reyes, hindi nila minaliit ang kakayahan ng Rain or Shine ni mentor Caloy Garcia.
‘We had two days of hard practice before we tapered off last Tuesday,” sabi ni Reyes sa kanilang paghahanda.
“We are obsessive in our practice as we get ready for our four tough games starting on Saturday against Barangay Ginebra, which is a tough team,” dagdag pa nito.
Magtatagpo ang Tropang texters ni Reyes at ang Gin Kings ni Jong Uichico sa Sabado sa Batangas City Sports Center.
Hangad ng Talk ‘N Text ang kanilang pang 11 sunod na arangkada.
Magpipilit namang makabangon ang Ginebra buhat sa kanilang kabiguan sa Rain or Shine.
Ang Talk ‘N Text ngayon ang pinakamainit na koponan sa torneo makaraang magwakas ang isang nine-game winning streak ng Beermen.
Bago sagupain ang Tropang Texters, pinigil muna ng Elasto Painters ang isang four-game winning run ng Gin Kings noong Linggo.
Nanguna si import Jai Lewis para sa Rain or Shine mula sa kanyang 21 puntos at 11 rebounds.