Melligen hinog na sa malalaking laban
MANILA, Philippines - Kung si Mark Jason Melligen ang tatanungin, naniniwala siyang hinog na siya para sa malalaking laban.
“Lalaban ako kahit na sino ang ilagay nila. Ang Top Rank lang naman ang magsasabi kung sino ang dapat kong makalaban pero kahit sino mas maganda kung rated ang makalaban ko,” wika ni Melligen.
Isang mahusay na amateur boxer na makailang beses na binigyan ng kampeonato ang Pilipinas sa sinalihang kompetisyon sa ilalim ng Amateur Boxing Association of the Philippines, gumagawa rin ng marka si Melligen sa pros sa pagkakaroon nito ng 18 panalo sa 20 laban kasama ang 13 KO.
Bago mapalaban sa rated boxers, magkakaroon muna ang 24-anyos tubong Bacolod City ng pagkakataong maipaghiganti ang kabiguang tinamo kay Michel Rosales ng Mexico sa Hulyo 3 sa Reno Nevada, USA.
Naglaban ang dalawa noong Nobyembre 13, 2009 at nanalo sa pamamagitan ng split decision ang 27-anyos na si Rosales.
Sinasabing hindi nagawa ni Melligen ang dapat na gawin sa ring matapos maapektuhan nang nakita ang pagkulapso at pagtakbo sa ospital ng kababayang si Z Gorres sa laban nito kontra kay Luis Melendez.
Tiniyak naman ni Tony Martin na ibang Melligen ang makikita sa ring at naniniwala siyang kumbinsidong panalo ang makukuhang panalo ng Filipino boxer.
“This is not the same Melligen that gets in the ring on the 3rd of July. Trust me. Hopefully this time we will tear him apart,” wika ni Martin sa panayam ng Boxingscene.
Gaya ni Melligen ay kumbinsido rin si Martin na hinog na sa malaking laban ang alaga at umaasa rin na matapos si Rosales sa isang world rated rival na ang makaharap ni Melligen.
Matapos matalo kay Rosales ay kumuha ng dalawang dikit na panalo si Melligen kina Raymond Gatica (6th round TKO) at Norberto Gonzales (unanimous decision 10 rounds) upang patunayan na nakabangon na siya sa nasabing kabiguan.
- Latest
- Trending