MANILA, Philippines - Nagbubunga ang paghihirap ni Jeson Patrombon kung ang paglalaro ng tennis ang pag-uusapan.
Maliban sa pag-angat nito sa rankings sa ITF na ngayon ay nasa 46th sa mundo, nakuha rin ni Patrombon ang atensyon ng isang malaking international management group na nais siyang makuha bilang kanilang talent.
Ang Global Tennis Connections ay lumapit sa kampo ni Patrombon upang alukin siya ng kontrata para mapabilang sa kanilang mga talento.
Ang kumpanya ay may hawak sa mga manlalarong sumasabak sa aksyon at ATP, ITF at sa Grand Slam.
Ang alok ay ginawa kina Patrombon at coach Manny Tecson sa Paris dahil si Patrombon ay kakampanya sa una niyang Grandslam event na Roland Garros Junior Championships 2010 o French Juniors Open.
Hindi naman isinara agad ang usapan dahil mas minabuti ni Tecson na ipaalam muna ang alok sa mga tumutulong kay Patrombon sa bansa sa pangunguna ng Tennis Academy nahawak ni Congressman Romeo Jalosjos.
Pero malaki ang nangyaring pagbibigay ng offer ng isang img dahil napatunayan na may potensyal ang 17-anyos na Filipino netter.
“Not everyone is being approached and I believe they can see something in us,” wika ni Tecson na inalok din ng GTC.
“This is the other side of being in the Grand Slams, you are in the company of prospective management groups and sponsors that are looking for fresh talents to bolster their line-ups. Not everyone is being approached and I believe they can see something in us,” wika pa ni Tecson.
Maliban sa pag-angat sa rankings gumawa rin ng marka si Patrombon nang talunin ang world’s number 7 Kevin Kraweitz ng Germany sa Italian Open na ginanap dalawang linggo na ang nakalipas.
Magkakaroon uli ng pagkakataon si Patrombon na gumawa pa ng marka sa paglahok niya sa first round sa French Junior Open laban sa qualifier na si Miki Jankovic ng Serbia.
Si Patrombon lamang ang lahok ng bansa sa singles dahil hindi pinalad si Francis Casey Alcantara na malusutan ang qualifying round nang matalo ito kay Sebastian Llave ng New Zealand, 3-6, 2-6.
Pero lalaro si Alcantara sa doubles kasama si Fil-Am Raymond Sarmiento ang kapareha nito nang kanilang dominahin ang Mitsubishi Lancer International Tennis Championships sa Manila.
Si Patrombon naman ay makakapareha si Ahmed Triki ng Tunisia.