MANILA, Philippines - Mismong si team manager Buddy Encarnado ang nagkumpirma sa mga Realtors ng Sta. Lucia ang tuluyan nang paghawak sa kanila ni telecommunications tycoon Manny V. Pangilinan ng Talk ‘N Text sa pamamagitan ng pagpapapasok sa Manila Electric Co. (Meralco).
Sinabi ng isang source na bagamat ginawa na ito ni Encarnado ay hindi pa natatalakay sa PBA Board ang pagbili ni Pangilinan sa prangkisa ng Sta. Lucia kasabay ng pagbandera sa Meralco team.
“There’s interest to once again form a basketball team. This is still in its raw stage but definitely there is interest,” naunang pahayag ni Meralco chairman at chief executive officer Manolo Lopez.
Maliban sa Sta. Lucia, may plano rin si Pangilinan na bilhin ang prangkisa ng Barako Coffee na naunang sinuportahan ng Harbour Centre ni Mikee Romero.
Ang Meralco ay dating miyembro ng Manila Industrial Commercial Athletic Association (MICAA), ngayon ay PBA, noong 1970’s at isa sa mga manlalaro nito ay si Robert Jaworski.
Ang Meralco Reddie Kilowatts, naging Komatsu/Toyota Comets na nagpakilala kina Jaworski, Big Boy Reynoso, Francis Arnaiz, Orly Bauzon at ang namayapang si Fort Acuna, ay naging karibal ng Crispa Redmanizers sa MICAA.
Isa sa mga makasaysayang laro ng Meralco ay noong Disyembre ng 1971 kung saan ginawaran ng ‘suspension for life’ sina Jaworski at Reynoso dahil sa pananakit kina referee Joe Obias at Edilberto Cruz sa kanilang laro ng Redmanizers.
Samantala, isang taong uupo bilang ‘deputy Commissioner’ ang sinasabing hinahanap ngayon ng PBA Board sakaling balakin ni Commissioner Sonny Barrios na iwanan ang kanyang posisyon.
Isa sa mga pangalan na nabanggit ay si Atty. Chito Salud, anak ni dating PBA Commissioner Atty. Rudy Salud, na nauna nang naikunsidera para sa Commissionership bago nailuklok si Barrios.