Pong, Hindi Pagong
Nakakantiyawan ng mga pilyo si Pong Escobal at inihahalintulad sa character ng dating educational show na “Batibot” and kanyang career sa Philippine Basetball Association.
Dahil sa bagal ng pag-usad ng kanyang professional career ay para daw siyang si “Pong Pagong.”
Well, tila nga ganoon ang nangyayari kay Escobal.
Kasi nga’y ikalawang season na niya ito sa PBA pero hindi niya makuhang magningning.
Subalit ito’y hindi dahil sa kawalan niya ng talent.
Mahusay na manlalaro si Escobal at lahat naman ng basketball fans ay nakatunghay sa kanyang exploits noong naglalaro pa siya sa San Beda Red Lions na nagkampeon sa senior division ng National Collegiate Athletic Assocation.
Ang problema nga lang ay napunta siya sa isang koponang “loaded with talent’
Isa siya sa apat na rookies na kinuha ng Talk N Text noong nakaraang season -ang iba’y sina Jared Dilinger, Jason Castro at Rob Reyes. At sa apat na baguhan, siya ang pinakahuling kinuha ng Tropang Texters sa draft. Point guard si Escobal at siyempre, under study siya ni Jimmy Alapag. Eh, iyon din ang pusisyon ni Castro na naglaro bilang import sa Singapore Slingers. So, bale third guard sa rotation si Escobal.
Kaya naman sa kabuuan ng kanyang unang season sa PBA ay 11 games lang ang nalaro ni Escobal. Paminsan-minsan lang siya nagamit ni coach Vincent “Chot” Reyes.
At halos ganoon pa rin ang naging trato sa kanya sa simula ng kanyang ikalawang season sa PBA. Wala ring pagbabago. Para ngang nabawasan pa lalo ang kanyang playing time.
Kaya nga hindi kataka-takang ipinamigay siya ng TalkN Text sa Sta. Lucia Realty kasama nina Ali Peek at Nic Belasco kapalit nina Kelly Willliams, Ryan Reyes at Charles Waters. At tila dito na magsisimulang bumangon ang career ni Escobal.
Kasi nga, tiyak na gagamitin siya nang husto ni SLR coach Teodorico Fernandez III dahil sa kulang sa point guard ang Realtors. Hayun at laban sa San Miguel Beer noong Sabado ay naging mahaba ang kanyang playing time. Gumawa siya ng 14 puntos pero natalo ang Realtors, 91-84.
Okay na rin iyon dahil nasa “rebuilding stage” ang Sta. Lucia. Si Escobal ay magsisilbing malaking bahagi ng stage na ito dahil bata pa siya.
Kasama niya sa backcourt ng Sta. Lucia ang mga rookes na sina Joshua Urbiztondo at Chris Ross. So, ibig sabihin ay mas beterano siya sa mga ito. Kumbaga sa “succession,” una si Escobal. Kaya tiyak na siya ang pupuntahan ni Fernandez.
Ang maganda nito’y alam ng lahat na si Fernandez ay isang mahusay na point guard noong active pa siyang manlalaro. Bilang isang coach, si Fernandez ay umaasa nang husto sa point guard dahil alam niyang extension niya ito sa hardcourt.
So, kung magpapakita ng consistency at steadiness si Escobal ay tiyak na patuloy siyang pagkakatiwalaan ni Fernandez.
Hindi man naging maganda ang umpisa ng kanyang PBA career, hindi ito nangangahulugang walang mararating si Escobal.
Better late than never, hindi ba?
- Latest
- Trending