MANILA, Philippines - Kumawala sa limang runs ang Cebu sa bottom eight upang maging puhunan sa 7-2 tagumpay sa Taguig sa pagpapatuloy ng Dunkin’ Donuts Baseball Philippines Series VI sa Rizal Memorial Baseball Field kahapon.
Bumigay ang mga braso ni Taguig pitcher Darwin Dela Calzada sa inning na ito nang magbigay ng tatlo sa kabuuang apat na base on balls sa laro bukod pa sa tatlo sa anim na hits para makahulagpos ang Dolphins buhat sa 2-2 iskor.
Naunang lumamang ang Taguig sa third inning sa 2-0 matapos mangapa sa pagpukol si Fil-Am Lorenzo Ubungen.
Dahilan ito upang ipasok ng Dolphins ang beteranong si Joseph Orillana na binokya ang Taguig sa sumunod na apat na innings.
Si Miggy Corcuera naman ang bumasag sa kawalan ng hit ng Cebu kay Dela Calzada sa fifth inning upang trangkuhan ang ginawang dalawang runs para magtabla ang magkabilang koponan.
Ibinalik si Ubungen sa laro sa pagpasok ng seventh inning at nakuha niya ang timing sa pagpukol para hindi na makaiskor ng tuluyan ang kalaban.
Bumigay naman si Dela Calzada at ang leadoff walk kay Jonard Pareja ang nagpasiklab sa limang runs ng Dolphins.
Isang perfect bunt ang ginawa ni Fulgencio Rances na nasundan pa ng isang walk kay Joseph Orillana para sa loaded bases.
Isa pang base on balls kay Florentino Ubungen ang nagpaiskor kay Pareja ng go-ahead run.
Si Corcuera ay bumanat uli ng hit sa centerfield upang makaiskor pa sina Rances at Orillana habang si Ubungen ay naghatid pa ng isang run sa single ni Jonash Ponce.
Si Lorenzo ang tumapos sa iskoring ng Cebu sa isang sacrifice hit laban kay relief pitcher Fernando Badrina para makumpleto ang limang runs.
“Walang pamalit ang Taguig kay Darwin kaya nang napagod siya ay naka-hit na kami. Kahit kami ay may problema sa pitchers dahil dalawa lamang ang dumating sa larong ito pero maganda ang ipinukol ni Lorenzo at ni Joseph,” wika ni team manager Isaac Bacarisas na sumalo sa Manila sa liderato sa torneo sa 1-0 karta.
Naunang kumawala ng panalo ang Sharks sa nagdedepensang Batangas, 5-4, nitong Sabado.
Naging tatlo naman na ang lider sa torneong inorganisa ng Community Sports Inc. nang manalo ang Alabang Tigers sa bagitong Pampanga Sand Kings, 6-2, sa ikalawang laro.
Sinandalan ng Tigers ang limang pinagsamang runs sa unang dalawang innings para mangibabaw sa bagong koponan na nalaglag naman kasama ng Bulls at Taguig.