DOHA, Qatar--Isang buzzer-beating shot ni Charif Charif ang naglusot sa 83-81 panalo ng Al Jala’a ng Syria sa minamalas na Smart Gilas Pilipinas sa consolation game sa 21st FIBA-Asia Champions Cup dito sa Al Gharafa Sports Club Hall.
Nabalewala ang itinayong 12-point lead ng Smart Gilas sa second quarter bukod pa ang isang 3-point advantage sa huling 31 segundo kung saan naitabla ng Al Jala’a ang laro sa 81-81 mula sa tres ni import Garnett Thompson kasunod ang winning basket ni Charif sa final buzzer.
“I think offensively that was our best game but we didn’t manage the game the right way in the end,” wika ni RP coach Rajko Toroman.
Ang kabiguan ang naglaglag sa Smart Gilas sa labanan para sa seventh place ng Astana Tigers ng Kazakhstan na tumalo sa kanila sa elimination round.
Samantala, iginupo naman ng nagdedepensang Mahram ng Iran ang Al Riyadi ng Lebanon, 71-64, habang binigo ng host Al Rayyan ng Qatar ang ASU ng Jordan, 82-62, upang ayusin ang kanilang titular showdown.
Sinabi ni Toroman na ang kanilang unang gagawin sa kanilang pag-uwi sa bansa ay ang pagpapahinga.
“First of all we have to see if we play Malaysia or not but first we need to rest. This team is physically and mentally tired and that’s the reason why we didn’t make it here,” wika ni Toroman sa kanilang knockout game ng Malaysians para sa karapatang hamunin ang Lebanon sa Stankovic Cup sa Agosto.
Bago yumukod sa Al Jala’a, natalo muna ang Nationals sa Al Riyadi, 63-74, sa quarterfinal round.
Kumampanya sa torneo ang Smart Gilas na wala ang mga injured na sina JV Casio, JR Cawaling at Fil-Am Marcio Lassiter.
Ang dalawang freethrows ni Barroca ang nagbigay sa Smart Gilas ng 81-78 bentahe sa huling 31 segundo kasunod ang tres ni Garnett, tumipa ng apat na tres, sa huling 19 segundo upang itabla ang Al Jala’a sa 81-81.
Imbes na ubusin ang oras para sa kanilang huling tira, agad na ibinato ni Dylan Ababou ang bola na nakuha ni Thompson at ipinasa kay Charif na inihagis ang bola para sa isang buzzer-beating shot.