DOHA, Qatar--Nagwakas na ang kampanya ng mga Nationals.
Pinayukod ng mas malakas na Al Riyadi ng Lebanon ang Smart Gilas Pilipinas, 63-74, sa quarterfinal round ng 21st FIBA-Asia Champions Cup dito sa Al Gharafa Sports Club Hall.
Nakaapekto sa Smart Gilas ang pagkakaroon ng injury nina JV Casio, Marcio Lassiter at JR Cawaling.
Gamit ang kanilang zone defense, dalawang ulit na kinuha ng Nationals ang isang eight-point advantage sa second quarter bago nasiko sa mukha si co-skipper Mark Barroca.
Bunga ng pagdurugo ng kanyang kaliwang mata mula sa siko ni Al Riyadi import Nate Johnson, kinailangan ni Barroca na maupo sa bench ng halos pitong minuto.
Sapat na ito para makabalik sa laro ang mga Lebanese at itabla ang iskor sa 34-34.
Humugot si Fadi El Khatib ng 12 sa kanyang 24 puntos sa final period upang pangunahan ang Al Riyadi.
“We made some errors, we couldn’t catch up with them late in the game because of injuries and lack of fresh legs,” wika ni Smart Gilas coach Rajko Toroman.
Pinamunuan ni Serbian reinforcement Milan Vucicevic ang mga Filipino mula sa kanyang 22 marka, 10 rebounds at 3 blocks bukod pa ang paglimita kay dating RP import CJ Giles sa 8 puntos.
Tumapos si Barroca na may 15 puntos para sa Smart Gilas, habang nag-ambag ng 10 si Dylan Ababou.
Ang kabiguan ang naglaglag sa Smart Gilas sa consolation pool kung saan nila makakalaban ang Al Jalaa ng Syria sa isang rematch matapos noong Dubai Invitational.
Ang mananalo ang siyang haharap sa magwawagi naman sa pagitan ng Astana Tigers ng Kazakhstan at Al Hilal ng Saudi Arabia para sa fifth place.
“Our goal now is to finish at fifth place,” wika ni Toroman, iginiya ang mga Filipino sa fifth place sa 2009 FIBA-Asia Champions Cup sa Jakarta, Indonesia.
Ang semifinal pairings ang magtatampok sa Al Riyadi kontra sa nagdedepensang Mahram ng Iran, tumalo sa Al Jalaa, 88-60, at host Al Rayyan ng Qatar, umiskor ng 97-59 tagumpay sa Al Hilal, laban sa ASU ng Jordan, gumiba sa Astana Tigers, 74-59.
Al Riyadi of Lebanon 74- El Khatib 24, Johnson 15, Fahed 15, Mahmoud 10, Giles 8, Tawbe 2, El Turk 0, Samaha 0.
Smart Gilas Pilipinas 63- Vucicevic 22, Barroca 15, Ababou 10, Baracael 5, Ramos 5, Tiu 3, Lutz 3, Aguilar 0, Slaughter 0, Jazul 0
Quarterscores: 9-10; 34-34; 56-47; 74-63.